ATLETANG MAY HIGHEST ENDORSEMENT DEAL

KUNG mayroong GOAT ­(Greatest Athlete of All Time), mayroon ding ‘highest endorsement deal of all time.’

Hindi maitatangging malaki ang kinikita o tinatanggap na pera ng mga atleta mula sa pag-eendorso ng produkto, o kaya’y pagiging brand ambassadors na ginagamit sa pagmamarket.

Pero, sa top 5 sa pagiging ‘greatest brand endorsement deal of all time list,’ hindi pasok si former world boxing champion Floyd Mayweather Jr., maging si Lakers legend Shaquille O’Neal o si tennis great Serena Williams.

Ang nangunguna sa listahan?

Si Cristiano Ronaldo, ang ­legendary football player na kilala sa buong mundo.

Patunay rito ang mga batang naglalaro ng football, ang pa­ngalang “CR7” ang ipinalalagay sa kanilang jerseys.

Resulta, tinalo ni Ronaldo ang lahat ng atleta matapos pumirma ng $1 billion contract sa Nike.

Ang soccer star mula sa Portugal ay may pinakamara­ming followers sa Instagram na 474 million.

Kilalang-kilala si Ronaldo, kahit ng mga hindi football fans.

Ayon sa Forbes, kumita ang Nike ng $474 million sa isang taon mula sa social media fans ni Ronaldo.

Sino naman ang mga atletang ‘OA’ sa laki ang endorsement deals?

Nasa unahan ng talaan si NBA star Derrick Rose. Siya ang isa sa mga atletang may ‘largest endorsement contracts.’

Napag-iwanan niya ang maraming kilalang atleta sa mundo dahil sa laki ng kontratang pinirmahan niya sa Adidas, nagkakahalaga ng $260 million.

Isang mahusay na player si Rose at sa edad lamang na 22 anyos, naging pinakabatang NBA player na tinanghal na MVP awardee.

Kasunod ni Rose, si ­Northern Ireland golf champion Rory McIlroy, na may nakapaglalaway na Nike deal sa halagang $250 million, mas mababa lang ng $10 million kay Rose.

Habang ang dating world ­boxing champion na si George Foreman ay pumapangatlo.

Matapos magretiro, kung anu-anong larangan ang pinasok ng dating kampeon, mapa-author, entrepreneur, at minister.

Tumanggap siya ng ­tuma-taginting na $200 million mula sa Salton Inc. bilang endorser ng isang uri ng lutuan.

Kalaunan, ang nasabing brand ay ikinabit na sa kanyang pangalan bilang Foreman’s Grill.

Si England football team former captain at star player ng Real Madrid na si David Beckham ay nasa listahan din.

May deal siya sa Adidas sa halagang $160 million.

Panghuli si golf icon Tiger Wood, ayon sa estimate, pumirma siya ng $105 million, five-year contract sa Nike. Ito ay nilagdaan noong 2000 at sinasabing ‘largest endorsement contract’ na pinirmahan ng isang atleta.

Nasa ibang kategorya naman ang iba pang kilalang mga atleta.

Si Michael Jordan, pinaka­mayamang atleta sa mundo, ay walang masasabing biggest endorsement agreement. Pero siya naman ang mayroong malaking kinikita mula sa kontrata niya sa Nike.

Ang tinatawag na His Airness’ ay may subdivision at partnership sa Nike. Madalas ding ginagamit ang Jordan’s name sa Nike merchandise at ayon din sa Forbes, nakapagbulsa na si Jordan ng higit $1.3 billion sa isang taon.

Maging si NBA superstar LeBron James ay epektibong endorser. Katunayan, kamakailan ay lumampas na siya sa $1 billion net worth mark.

Ang Nike ang maituturing na hari pagdating sa ‘big deals’ sa mga atleta at binayaran nito si James ng $90 million noong 2003.

Habang si Mexican boxing champion Canelo Alvarez ay wala pa namang pinipirmahang endorsement deal na kasinlalaki ng mga nabanggit, subalit napaliligiran naman siya ng mga kilalang kompanya tulad ng Louis Vuitton, Tecate, Hennesy at Roger Dubuis. (VT ROMANO)

214

Related posts

Leave a Comment