BINATI ng Malakanyang si Eumir Marcial makaraang masungkit ang pangatlong Olympic medal nang matalo nito ang kanyang kalaban sa men’s boxing middleweight quarterfinals, Linggo, Agosto 1, 2021, sa Tokyo Olympics.
Kaya ang panawagan ni Presidential spokesperson Harry Roque sa taumbayan ay patuloy na suportahan at mag-cheer kay Eumir at sa iba pang atletang Filipino sa kanilang pakikipagsapalaran na makasungkit ng medalya.
“Mabuhay ka, Eumir. Go for gold!,” ayon kay Sec. Roque.
Nauna rito, nagpaabot na rin ng pagbati si Sec. Roque para sa mga atletang Pinoy sa Tokyo Olympics na namumurong makapag-uwi muli ng medalya para sa Pilipinas bukod kay Hidilyn Diaz.
Kabilang dito sina Nesthy Petecio na nanalo sa women’s boxing featherweight semifinals, si EJ Obiena na pasok na sa finals ng Men’s Pole Vault at Carlo Paalam na umusad sa quarter finals sa men’s boxing flyweight class.
Tiyak nang mag-aambag ng medalya sina Marcial at Petecio kasunod ng kanilang pagkapanalo.
Nakikiisa aniya ang sambayanang Filipino sa pagbubunyi sa ipinakitang galing ng mga atletang Filipino sa kanilang laban.
Idinagdag din ni Sec. Roque na nagdarasal ang buong bansa para sa mga atleta at sa pagpupunyagi nila na makapag-uwi ng gintong medalya para sa Pilipinas.
Nauna nang ipinagbunyi ng mga Filipino ang magandang performance ng mga atleta na sumasabak ngayon sa Tokyo Olympics.
Ang buong bansa aniya ay nagdarasal para sa mga atleta na patuloy na nakikipagsapalaran at nakakapit sa pag-asang makapag-uuwi ng gintong medalya para sa bansa.
“Go for gold!,” ang sigaw ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
