NAGKAROON na ng dahilan ang mara ming mambabatas sa Kongreso na makumpleto ang kanilang attendance dahil virtual na ang kanilang session at hindi na sila kailangang personal na pumunta sa Batasan Complex para lang sa physical counting.
Nitong mga huling virtual session ng Kamara, nakakatuwang makita na umaabot sa 303 ang kanilang attendance bagay na bihirang-bihirang nangyayari sa panahong normal pa ang kaganapan.
Dati-rati, mahigit 200 o mas mababa pa ang attendance na naitatala tuwing may session ang Kamara dahil marami sa mga mambabatas ang absent at hindi talaga nagpupunta sa Kongreso para gampanan ang ipinagkatiwalang trabaho sa kanila ng kanilang mga constituent.
Kahit sa panahon ng State of the Nation Address (SONA), bihirang makabuo ng mahigit 300 attendance dahil marami sa mga mambabatas ang hindi talaga lumuluwas para gampanan ang kanilang trabaho sa loob ng session hall.
Pero ngayon, baka nahiya ang maraming mambabatas lalo na yung mga absenero na hindi sumali sa kanilang session dahil virtual na ito idinadaan. Kailangan lang nilang mag-log-in para magpa-check ng attendance.
Dapat lang silang mahiya dahil wala na silang maidahilan na hindi sumali sa session dahil hindi na sila kailangang umalis sa kanilang bahay para gampanan ang kanilang trabaho.
Kung a-absent pa sila sa virtual session, eh talagang wala silang balak magtrabaho at pagsilbihin ang kanilang mga constituent na naglagay sa kanila sa Kongreso para sila ay katawanin sa Kapulungan.
Ang Kamara ngayon ay may 303 miyembro at one-half plus one lang ang kailangang o 152 warn bodies sa loob ng session hall para magkaroon ng quorum at maituloy ang kanilang session.
Bihira talagang umabot sa 300 ang warm bodies o dumadalo sa session gayung responsiblidad ng lahat ng kongresista na dumalo sa kanilang session na tatlong beses isang linggo lang o mula Lunes hanggang Miyerkoles lang.
Pero hindi napapansin ng mga tao kung sino-sino sa mga kongresista ay hindi talaga dumadalo dahil sa dami nila hindi tulad sa Senado na madaling makilala ang mga absenero sapagkat 24 lang sila.
Karamihan din sa mga kongresista, pasintabi lang, ay nagbubutas lang ng upuan sa Kongreso dahil nagpapa-check lang sila ng attendance, naghihintay na adjournment at lalayas na.
Ang iba naman, pagkatapos magpa-check ng attendance, tatakas na kaya yung naitalang quorum ay nababawasan at dyan na papasok si Buhay party-list Rep. Lito Atienza para kwestiyunin ang quorum.
Kapag wala namang importanteng agenda sa kanilang session, muling magro-roll call ang Secretariate at kapag wala talagang sapat na bilang ang nasa loob ng session, adjourn na.
Parang dehado dyan ang mga karaniwang manggagawa dahil kapag nag-absent o nag-undertime sa kanilang trabaho, wala silang sahod samantalang ang mga kongresista, absent man o hindi tuloy ang sahod na ang Salary Grade 31 o katumbas ng P262,965 sahod buwan-buwan. Sarap naman buhay nila!
