Atty. Rodriguez sa PhilHealth funds P60-B ‘BUDOL’ NG MARCOS ADMIN

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

BINANATAN ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kautusan nito na ibalik sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang sobrang pondong nagkakahalaga ng ₱60 bilyon na naunang inilipat sa national treasury.

Sa kanyang Facebook post nitong Sabado, Setyembre 20, tinawag ni Rodriguez na isang “budol” ang hakbang ng Pangulo.

“Dahil ramdam ang galit at hagupit ng Pilipino, isang budol na tugon ang muling ipinalabas ni Marcos. Paano niya ibabalik ang P60B ng PhilHealth gayong wala naman savings na pagkukunan, katunayan ay deficit pa nga ang gobyerno?” ani Rodriguez.

Kinuwestyon pa ng dating kalihim kung saan napunta ang pondo at binungkal din ang naunang kontrobersyal na P29.9 bilyon na nailipat bago pa makapagpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Korte Suprema.

“Kung sa 2026 budget naman kukunin, papayag ba ang mga tiwaling mambabatas na tapyasan ang kanilang pondo? Paano naman ang ₱ budget ng PhilHealth na ibinigay at buong pusong pinirmahan ni Marcos ngayong 2025?” dagdag pa niya.

Matatandaang Hulyo 2025 nang ilipat ng Department of Budget and Management (DBM) ang tinatayang P60 bilyon “excess funds” ng PhilHealth patungo sa National Treasury. Ayon sa DBM, sobra umano ito sa aktwal na pangangailangan ng ahensya.

Agosto 2025 – Umalma ang health workers, opposition lawmakers, at ilang civic groups. Naghain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa fund transfer. Bago pa ang P60B, may nauna nang P29.9B na nailipat.

Agosto 28, 2025 – Nagpalabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Supreme Court para pigilan ang anomang karagdagang paggamit o paggalaw sa pondong inilipat mula PhilHealth.

Setyembre 2025 – Naging laman ng mga pagdinig sa Senado at Kamara ang isyu, kung saan iginiit ng ilang mambabatas na hindi pwedeng basta kunin ang pondo ng PhilHealth dahil mandato ng batas na manatili ito para sa benepisyo ng mga miyembro.

Samantala, ikinatuwa ni Akbayan Rep. Chel Diokno ang naging pahayag ni Marcos.

“We laud the President for heeding our call to return PhilHealth’s ₱60 billion excess funds to the agency. We ask the Department of Health to guarantee that these funds will be used to expand PhilHealth’s programs in providing affordable, accessible, and quality healthcare to all Filipinos, as mandated by law,” ani Diokno.

Matatandaang noong Sabado, Setyembre 20, inanunsyo ni Marcos, Jr. na magmumula ang pondong 60 bilyong piso na ibabalik nila sa PhilHealth sa ilang departamento kagaya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

16

Related posts

Leave a Comment