(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
DIVERSIONARY tactics ang isinampang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Pahayag ito ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez kaugnay sa aksyon ng Kamara na pagpapatalsik sa Bise Presidente.
Sa kanyang official Facebook page, pinayuhan ni Atty. Rodriguez ang publiko na huwag alisin ang atensyon sa totoong usapin ng bayan – ang kontrobersyal na 2025 national budget.
Aniya, ang impeachment ay layong ilihis ang usapin sa higit na malaki, maanomalya at unconstitutional na 2025 budget.
“..kaya ‘wag po tayong mawawala dun sa tunay na usapin na panagutin natin sa ngalan ng transparency at accountability ang gobyerno ni Bongbong Marcos,” bahagi pa ng kanyang pahayag.
Dapat aniyang singilin ng taumbayan ang administrasyong Marcos kung bakit nagpasa ng maanomalyang budget base sa blankong bicameral conference committee report.
Pagtiyak pa niya, pananagutin ang ‘makating kamay’ na nagpuno sa mga patlang sa bicam report na hanggang ngayon aniya ay palaisipan pa kung babae o lalaki.
Nauna nang nagpahayag ng pakikiisa si Rodriguez kay Vice President Sara Duterte at sa 32 milyong bumoto rito.
“Hindi lamang kaban ng ating bansa ang walang pakundangang kinukurakot ng mga tiwaling mambabatas kung hindi pati ang ating sagradong mandato na buong pusong ibinigay kay Inday Sara ay lantarang ninanakaw sa ating mga Pilipino. Lumobo na sa P16.05 Trilliones ang utang ng bansa, ang pinangakong murang bigas ay panaginip pa rin at dahil sa lumalalang problema sa droga ay lalong naging mapangahas ang mga kriminal,” isa sa mga post ni Atty. Rodriguez sa kanyang official FB page.
Sa kabila aniya ng mga problemang kinakaharap ng mga Pilipino ay mas inuna pa ng mga mambabatas ang i-impeach si VP Sara.
“Subalit bulag at bingi ang mga mambabatas at sa halip ay inunang habulin si VP Inday na syang tinatanaw na pag-asa ng bayang naghihirap,” aniya.
Sa huli ay nanawagan siya sa mga Pilipino na huwag magpalinlang at labanan ang tiwaling pamumuno.
“Huwag natin hayaan magpatuloy ang ganitong uri ng mapanlinlang at baluktot na pamumuno. Huwag natin ipanakaw ang demokrasya at Tanggapan ng Pangalawang Pangulo sa mga elitista’t mandarambong na mambabatas.
Protektahan ang Pilipino laban sa kurakot at mandarambong na gobyerno!”
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)