CAVITE – Tinatayang P170,000 halaga ng umano’y shabu ang nasamsam makaraang madakip sa buy-bust operation ng mga awtoridad ang walo katao, kabilang ang isang dating pulis, sa Bacoor City noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga arestado na sina Wilson Sabado, dating pulis na nakatalaga sa Southern Police District (SPD) ngunit nag-AWOL (Absence Without Official Leave) noong 2016; Jessie Aquino, 54; Alfredo Toledo, 50; Paul Harris Odivila, 36; Denmark Santianes, 23; Dennis Ayeras, 35; William Ducalang, 39, at Alexander Sementina, 33-anyos.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Christian Nel Cuevas ng Bacoor City Police Station, dakong alas-10:15 noong Biyernes ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Bacoor CPS sa Brgy. Panapaan 3, Bacoor City na nagresulta sa pagkakaaresto sa walong mga suspek.
Ang anim ay naaresto matapos nakipagtransaksiyon sa mga operatiba habang sina Odivilas at Sementina ay isinama nang naaktuhan na nagsasagawa ng pot session sa loob ng bahay.
Nasamsam sa kanila ang tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa isang pakete ng sigarilyo, na may street value na P170,000, at drug paraphernalia. (SIGFRED ADSUARA)
172 