CAVITE – Arestado ang isang 20 -anyos na mangingisda makaraang suntukin at saksakin ang isang driver nang magalit dahil sa pagkakatitig sa kanya ng huli sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito, nitong Linggo ng madaling araw.
Hawak na ng Rosario Police ang suspek na si Vince Railey y Purihin, ng Brgy. Ligtong 1, Rosario, Cavite dahil sa reklamo ng biktimang si Ricardo Rivas y Criman, 27, driver, ng Brgy. Ligtong 1, Rosario, Cavite, nilalapatan ng lunas sa St. Martin Hospital dahil sa saksak sa katawan.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:10 ng madaling araw, kapwa naglalakad ang biktima at suspek sa Brgy. Ligtong 1, Rosario, Cavite nang magkatinginan ang dalawa.
Tila hindi nagustuhan ng suspek ang pagkakatitig sa kanya ng biktima kaya walang sabi-sabing sinuntok niya ito.
‘Di pa nasiyahan, umuwi ito sa kanilang bahay, kumuha ng kutsilyo at hinanap ang biktima saka inundayan ng saksak.
Isinugod sa ospital ang biktima habang ang suspek ay naaresto sa follow-up operation ng mga awtoridad.
(SIGFRED ADSUARA)
