Ayon mismo kay Galvez DENR NAGKULANG SA DAGSA NG TAO SA DOLOMITE BEACH

HINDI man hayagan, tila walang plano ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na magsampa ng kaso laban sa mga opisyal ng Department of Environment and Resources kaugnay ng pagdagsa ng mga taon sa Manila Bay Dolomite Beach na naglagay sa peligro sa libo-libong nagsiksikan sa nasabing pasyalan mula nang buksan ito sa publiko.

Gayunpaman, aminado si IATF chief implementer Sec. Carlito Galvez na nagkulang ang DENR sa aspeto ng pagpapanatili ng kaayusan at koordinasyon sa lokal na pamahalaan at kapulisan para sa maayos na sistema sa pagtanggap ng mga turista sa kontrobersyal na pasyalan sa kahabaan ng Roxas Boulevard sa lungsod ng Maynila.

Kumpiyansa naman ang Kalihim na maitutuwid ng DENR ang mga pagkukulang, kasabay ng paghingi ng paumanhin sa insidenteng inulin ng kabi-kabilang batikos sa pangambang maging mitsa ng peligrong posibleng magbunga ng muling pagtaas ng mga kaso ng mga positibo sa nakakahawang sakit ng Covid-19.

Bagamat ibinaba na sa Alert Level 3 ang Metro Manila, nanindigan ang mga eksperto na hindi dapat maging hudyat ito ng kapabayaan dahil nananatili pa umano ang banta ng pandemya.

Katwiran pa ni Galvez, nasabik lamang makalabas ng kani-kanilang tahanan ang publiko bunsod ng mahabang panahong nasa ilalim ng mahigpit na community quarantine ang National Capital Region, bunsod na rin ng Covid-19.

Giit pa niya, puspusan naman daw ang pagbabakuna ng gobyerno laban sa nakamamatay na sakit.

231

Related posts

Leave a Comment