SA isang pagpupulong ng OWWA Board of Trustees, may isang programang ilulunsad na napagkasunduan naming huwag nang i-anunsyo sa mga miyembro dahil limitado lang ang magiging benepisyaryo nito.
Ngunit bilang kinatawan ng mga OFW ay tungkulin ko na ipaalam sa aking nirerepresentang sektor ang aking ginagampanan. Dahil dito, nais kong humingi ng paumanhin sa mga kasama ko sa OWWA Board of Trustees na ang napagkasunduan namin na huwag i-anunsyo ay aking ilalathala sa pahayagan.
Bukod sa aking isinulong na programang Tulong Puso, ay akin ding isinulong ang isang programa na magbibigay tulong para sa mga OFW na kasalukuyang nasa mga POLO OWWA Shelter o Bahay Kalinga at pati na rin ang mga nasa bilangguan.
Nagsimula ang ideya na ito base sa totoong kwento ng isang OFW na nasa Kuwait. Taong 2017, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula sa isang OFW. Halos hindi ko maunawaan ang kanyang salita dahil sa kanyang walang humpay na paghagulhol.
Sa kanyang kwento ay sinabi niya na ang kanyang 13 anyos na anak na babae ay kanyang iniwan sa kanyang tiyahin upang siya ay mangibang bansa. Tanging layunin nya sa pagtatrabaho sa abroad ay ang kumita ng sapat na pera para mapag-aral ang kanyang anak dahil siya ay iniwan na ng kanyang asawa at wala na siyang katuwang sa buhay.
Ngunit dahil sa siya ay nakulong sa Kuwait ng halos anim na buwan, hindi na rin siya nakakapagpadala ng pera sa kanyang tiyahin para ipantustos sa pag-aaral ng kanyang anak. Dahil dito ay nagdesisyon ang kanyang tiyahin na patigilin na sa pag-aaral ang kanyang anak at ipasok na lamang bilang kasambahay sa Baguio City.
Nang ito ay aking marinig, ay napaluha ako at agad akong nakipag-ugnayan sa dating DSWD Attache sa Kuwait na si Director Annie Mendoza upang sagipin ang 13 anyos na bata na sa mga oras na iyon ay nasa isang bus station para magbiyahe patungo sa Baguio City. Agad naman itong nasaklolohan at kinupkop ng DSWD at ang kanyang ina naman ay nabigyan ng tulong ng ating embahada upang mapauwi ito sa madaling panahon.
Tumatak ng husto sa aking puso at isip ang pangyayaring ito at ipinangako ko sa aking sarili na sa oras na ako ay magkaroon ng pagkakataon ay bibigyan ko ito ng karampatang pansin upang hindi na muli mangyari sa mga anak ng OFW na ang tanging layunin lamang ay ang mabigyan ng edukasyon ang kanilang anak.
Dahil dito ay aking isinulong sa OWWA Board ang isang programa na may titulong Supplemental Education Assistance for School-Age Children of Distressed OFWs at the POLO-MWOFRC.
Sa ilalim ng programang ito ay magkakaloob ang OWWA ng “one time cash assistance” na nagkakahalaga ng 3,000 para sa isang anak ng OFW habang ito ay nasa loob ng bahay kalinga o kulungan ng halos 3 buwan.
Ito ay para lamang sa mga OFW na may kinakaharap na kaso sa ibang bansa katulad ng labor case, pagmamaltrato, pang-aabuso at iba pang krimen na kinakaharap nito sa korte. Ang ayuda na ito ay para sa kanilang anak na mula 6 na taon hanggang 20 taon gulang na kasalukuyang nag-aaral.
Naglaan ang OWWA Board of Trustees ng halagang 26 million pesos para tustusan ang programang ito na inilaan sa Middle East (7,200 slots), Asia (1,200 slots) at Europe (180 slots).
Maaring maliit lamang ito kumpara sa malaking pangangailangan, ngunit ang mahalaga ay nabibigyan na ng pansin ang bawat pangangailangan ng mga OFW. Kaya nga malimit kong binabangit na “walang ibang higit na magmamalasakit sa ating mga OFW , kundi ang mga tunay na OFW at ang ating gobyerno “.
471 