AYUDA SA INFORMAL SECTOR WORKERS, SUMOBRA SA TARGET NG DOLE  

SA pinakahuling ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Abril 24, umabot na sa 259,449 manggagawa sa “informal sector” ang nabigyan ng tig-P5,000 mula Luzon hanggang Mindanao, pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Ang natanggap na P5,000 ng bawat isa sa mga manggagawang ito na kumikita lamang kung mayroong trabaho ng isa o ilang araw ay bahagi ng tulong pinansiyal ng DOLE sa

kanila ngayong panahong mayroong “enhanced community quarantine” (ECQ) sa Luzon at “community quarantine” (CQ) sa maraming lalawigan sa Visayas at Mindanao dulot ng pananalasa ng coronavirus diseases-2019 (COVID-19).

Ang proyekto ng DOLE para sa informal sector ay binansagang “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced Workers” (TUPAD) o “TUPAD Barangay Ko, Bahay Ko Disinfection/Sanitation Project” (TUPAD #BKBK).

Sila ay magkakaroon ng tig-P5,000 matapos nilang magtrabaho ng 10 araw sa barangay o komunidad bilang tagalinis upang maging ligtas sa COVID-19.

Ayon kay Bello, ang 259,449 benepisyaring manggagawa ay “lumampas sa inisyal na target na 235,949 benepisyari.”

Sa naturang bilang, 65 porsiyento ang nakatapos ng 10-araw na paglilingkod sa kanilang mga barangay kung saan nakatanggap silang lahat ng kabuuang P723 milyon, wika ni Bello.

Sa rekord ng DOLE nitong Abril 24, mayroon pang natitirang 500,000 manggagawang nasa informal sector mula Luzon hanggang Mindanao ang humihingi ng P5,000 ayuda sa kagawaran.

Dismayado naman ang Partido Manggagawa (PM) sa numerong inilalabas ng DOLE.

Idiniin ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng PM, umabot na sa 3 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho bago pumasok ang COVID-19 sa bansa.

Tumaas pa ang bilang na ito nang makaroon ng ECQ at CQ, patuloy ni Fortaleza.

Ganito rin ang paniwala ni Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW) at tagapangulo ng Nagkaisa! Labor Coalition.

Kaya, muling nanawagan si Matula kay Pangulong Rodrigo Duterte ng pondo ng DOLE upang lahat ng manggagawang walang trabaho ay magkaroon ng pera ngayong mayroong ECQ at CQ sa bansa.

Binanggit na ni Bello sa media na malabong mapagbigyan ng limang libo ang manggagawa dahil kapos na ang pera ng DOLE para sa nasabing proyekto.

Iba pa ang mahigit isang milyong manggagawa sa “formal sector” mula sa mahigit 1.4 milyong nagpalista sa DOLE na nawalan at nasuspinde sa trabaho mula nang magkaroon ng ECQ at CQ sa maraming bahagi ng bansa.

Sila ay makatatanggap din ng tig-P5,000 alinsunod sa COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) ng DOLE.

Ang huling inihatag ng Department of Budget and Management (DBM) sa DOLE na ibinalita sa media nitong Abril 17 ay P2.5 bilyon.

Iba pa ang P51 bilyon na inilabas ng DBM na ipamimigay sa 3.4 milyong manggagawa sa hanay ng “micro, small and medium enterprises” (MSMEs) bilang “small business wage subsidy” (SBWS).

Sa konseptong ito na itinulak ni Finance Secretary Carlos Domiguez III, P5,000 hanggang P8,000 ngayong Abril at Mayo ang matatanggap ng mga manggagawa.

Ang kondisyon dito ay kailangang nakarehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang kumpanyang pasok sa MSMEs. NELSON S. BADILLA

223

Related posts

Leave a Comment