ARESTADO ang isang 53-anyos na ginang na wanted sa kasong carnapping sa Pasig City matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Lungsod ng Caloocan noong Lunes ng hapon.
Ayon sa ulat, inilabas ang warrant of arrest ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 167 para kay alyas “Juliet Jardin” na kabilang sa most wanted persons sa naturang lungsod.
Nang mapag-alaman ang impormasyon kung saan nagtatago ang akusado, agad bumuo ng team ang Northern Police District Office (NPDO) sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) para madakip ang nasabing suspek.
Kaagad namang ikinasa ng DACU-NPD ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jardin dakong alas-2:50 ng hapon sa kanyang tinutuluyang lugar sa Caloocan City.
Inaresto ang suspek sa bisa ng naturang warrant of arrest para sa kasong paglabag R.A. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016, na may inirekomendang piyansa na P300,000 para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte.
(MARDE INFANTE)
