BABAENG DALAW SA PRESO, KALABOSO SA SHABU

KALABOSO ang isang babae makaraang mahulihan ng umano’y shabu nang dumalaw sa nakakulong niyang mister sa custodial facility ng La Loma Police Station (PS-1) noong Linggo.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Brigadier General Danilo P. Macerin, ang suspek na si Justine Kate Guinto, 19-anyos, ng San Miguel, Manila City.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng tip ang duty jailer na umano’y may illegal drugs na ide-deliver sa loob ng male custodial facility.

Agad namang humingi ng tulong ang duty jailer sa SDEU operatives para magsagawa ng routine check sa food packs na dala ng mga dumadalaw.

Dakong alas-4:40 ng hapon sa nasabing petsa, nang kapkapan ang suspek na si Guinto na dumalaw sa kanyang asawa na si Sohail Arumpac na nakulong dahil sa illegal drugs, ay nakumpiskhaan ito ng isang sachet ng umano’y shabu na nakatago sa dala nitong pagkain. Bunsod nito, inaresto ng mga awtoridad si Guinto.

Samantala, arestado rin sa mga tauhan ng Anonas Police Station (PS-9) sa buy-bust operation sina Marvin Bolito, 27, at Ronaly Andal, 31-anyos, dakong alas-4:00 ng hapon sa nasabing petsa, sa basketball court ng Block 3, Daan Tubo, Brgy. UP Campus, Quezon City, at nakumpiska sa mga ito ang limang sachet ng shabu na P4,760 ang halaga.

Nadakip naman ng Payatas Bagong Silangan (PS-13) sa buy-bust operation si Robert De Asis, 37, dakong alas-5:45 ng hapon sa nabanggit na petsa, sa #172 San Miguel St., Brgy. Payatas A, Quezon City.

Nakumpiska sa suspek ang mahigit sa 6.5 gramo ng shabu na P44,200 ang halaga. (JOEL O. AMONGO)

 

374

Related posts

Leave a Comment