NAGBABALA si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga Manilenyo na umuwi galing sa mga lalawigan nitong holiday season at iiwas sa ipinag-uutos nitong sumailalim sa mandatory swab testing ngunit kalaunan ay magpopositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), na maaari silang maharap sa kasong kriminal.
Ayon sa alkalde, mayroong umiiral na batas hinggil dito kaya’t maaari aniyang maharap ang mga ito sa kasong kriminal.
“Kapag ikaw ay positibo at iyong pinabayaan, you might be violating a Republic Act. Merong batas para dyan, more than the IATF (Inter-Agency Task Force) rule. They might be facing cases, criminal cases.” pahayag ng alkalde.
Kaugnay nito, muling hinikayat ng alkalde ang concerned citizens na sumailalim sa swab test upang maging payapa ang kanilang isip at hindi maharap sa reklamo.
Sinabi pa nito, wala namang dapat na ipag-alala ang mga residente dahil libre naman ang swab test sa lungsod.
“One, may peace of mind ka na makukuha, libre mong nakuha. Two, at least kahit paano, alam mo kaagad paano i-a-address and if you will turn out to be positive, we will try to take care of you,” dugtong pa ng alkalde.
Matatandaang noong Disyembre 29, nagpalabas ang Manila Barangay Bureau ng utos sa barangay officials, na lahat ng mga residente ng Maynila na uuwi sa lungsod mula sa kanilang holiday vacations sa mga lalawigan matapos ang Enero 2, ay kailangang direktang magtungo sa COVID-19 testing facilities sa kanilang distrito upang magpasuri bago tuluyang umuwi sa kanilang mga tahanan.
Dapat rin umanong manatili ang mga ito sa kanilang assigned quarantine facility habang hinihintay pa ang kanilang test results, na inaasahang mailalabas sa loob ng isa o dalawang araw. (RENE CRISOSTOMO)
