Babala ng Palasyo kapag nagpabudol BGC BOYS KULONG, BIG FISH LAYA

BINALAAN ng Malakanyang ang ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) laban sa planong bawiin ang kanilang testimonya na nagsasangkot sa high-ranking politicians sa umano’y corruption schemes sa public infrastructure projects.

“Kung ito ay may katotohanan, sana man lang itong mga witnesses na ito na maaaring may alam sa katotohanan, ‘wag silang magpabudol,” ani PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“‘Wag kayo mapagamit dahil maaaring kayo pa ang makulong sa kulungan at ‘yung inyong itinuturong malalaking isda ang siya pang makalaya,” dagdag pa niya.

Ang babala ay kasunod ng ulat na may plano ang tinaguriang “BGC Boys” na bawiin ang kanilang sinumpaang salaysay. Si Sen. Panfilo Lacson ang nagbansag ng naturang grupo bilang “Bulacan Group of Contractors”na mga opisyal umano ng DPWH-Bulacan na kilala sa casino circles.

Nilinaw naman ng Department of Justice (DOJ) na wala pa silang natatanggap na opisyal na recantation mula kay dating DPWH Bulacan District Engineer Henry Alcantara kaugnay ng kanyang mga rebelasyon sa Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre 2025.

Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, walang verbal o written na pagbawi na isinumite sa DOJ.

Ang paglilinaw ay ginawa matapos lumabas ang ulat na naghain umano si Alcantara ng counter-affidavit kaugnay ng mga kasong inihain ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanya at iba pang DPWH officials kabilang sina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza kaugnay ng umano’y kickback schemes sa maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

Sa kanyang counter-affidavit, iginiit umano ni Alcantara na walang ebidensiya na pinaboran niya ang sinomang kontratista at walang testigong makapagpapatunay na nagbigay siya ng iregular na bayad. Aniya, hindi sapat ang ebidensiya para siya’y mahatulan.

Dagdag pa niya, ang mga subordinate umano ang nagsagawa at nagtago ng mga aksiyong sila mismo ang gumawa.

Gayunman, nauna nang ibinunyag ni Alcantara sa Senate hearing na sina Hernandez at Mendoza ang nasa likod umano ng kickback scheme.

Inamin din niya noon na kasama si DPWH Undersecretary Roberto Bernardo sa pamamahagi ng komisyon mula sa flood control projects sa mga kampo nina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, dating Sen. Bong Revilla Jr., dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon—mga paratang na itinanggi ng mga nabanggit.

(CHRISTIAN DALE)

28

Related posts

Leave a Comment