Obispo nanawagan ng panalangin 28 PA MISSING SA CEBU DUMPSITE TRAGEDY

MISTULANG nakikipaghabulan kay kamatayan ang iba’t ibang rescue teams sa patuloy na search, rescue and retrieval (SAR) operation sa gumuhong tambakan ng basura sa Barangay Binaliw, Cebu City, sa pangambang tuluyang malibing ang 28 pang sanitation workers. Dahil dito, sumabak na rin ang Philippine Navy, na nagpadala ng sarili nitong SAR team sa lugar.

Ayon sa mga awtoridad, walo na ang kumpirmadong nasawi sa pagguho ng Binaliw Sanitary Landfill, habang 28 katao pa ang nawawala. Mayroon namang 18 sugatan na kasalukuyang ginagamot sa dalawang ospital sa Cebu City.

Kinumpirma ni Commander Jethro L. Flores, Acting Public Affairs Officer ng Philippine Navy Naval Forces Central (NFC), na nagtalaga sila ng Search, Rescue and Retrieval Team (SRRT) sa landslide-affected landfill site upang mapabilis ang paghahanap sa mga nawawala.

Ang Navy SAR team ay binubuo ng specially trained naval personnel, may dalang technical rescue tools at personal protective gear, at may kakayahang kumilos sa mapanganib at delikadong terrain bilang bahagi ng humanitarian assistance and disaster response.

Nakapaloob na ngayon ang grupo sa Joint Task Group Cebu, katuwang ang Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO), Bureau of Fire Protection, Cebu City Police Office, at iba pang responding agencies.

Batay sa validation ng local office of civil defense, 11 biktima ang ginagamot sa North General Hospital, habang pito ang nasa VisMed Medical Center. Ang mga bangkay ng walong nasawi ay dinala na sa St. Peter Funeral Homes para sa proper identification at disposition.

Sa mga nawawala, 21 ang trabahador ng Prime Waste Management, habang pito ay mga subcontractor.

Ayon sa NDRRMC, umaabot na sa 248 personnel mula sa iba’t ibang ahensya—kabilang ang BFP, PNP, Philippine Army at Navy, DPWH, Coast Guard, LGUs, at private volunteers—ang naka-deploy sa lugar habang nagpapatuloy ang rescue operations.

Kasabay nito, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang alegasyon na open dumpsite na umano ang lugar at hindi na sanitary landfill, at ang gumuhong tambak ng basura ay kasingtaas ng ilang palapag ng gusali, dahilan upang matabunan ang opisina at staff house ng waste management company.

Panalangin sa mga Biktima

Nanawagan naman ng sama-samang panalangin at pakikiisa si Cebu Archbishop Alberto Uy para sa mga biktima ng landslide sa Prime Waste Solutions Cebu Landfill.

Hinimok ng Arsobispo ang panalangin para sa mga nasawi, mga nawawala, at kanilang mga pamilya, gayundin para sa rescuers at responders na patuloy na nalalagay sa panganib habang isinasagawa ang operasyon.

Ipinanalangin din ni Archbishop Uy ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod ng Cebu na nangunguna sa pagsusuri ng pinsala at pagtugon sa trahedya, at nanawagan ng pagkakaisa, malasakit at konkretong pagtulong para sa mga apektadong komunidad.

Inialay rin niya ang panalangin sa Señor Sto. Niño para sa awa at proteksyon ng Cebu at ng mamamayan nito.

(JESSE RUIZ/JOCELYN DOMENDEN)

33

Related posts

Leave a Comment