Babala ng solon sa publiko ‘PRICE SHOCK’ PAGHANDAAN

PAHIRAP sa sambayanang Pilipino ang totoong legasiya ni outgoing President Rodrigo Duterte kasunod ng panibagong all time price hike sa mga produktong petrolyo.

Birada ito ni outgoing House deputy minority leader Carlos Zarate kasabay ng babala sa mamamayan na paghandaan ang price shocks bilang epekto ng oil price hike na ipinatutupad ng mga kumpanya ng langis.

“Ito ang tunay na nagawa ng administrasyong Duterte, ang hayaang tumaas ang presyo ng langis dahil sa hindi pagsuspinde man lang sa excise tax sa langis,” ayon sa mambabatas.

Maglalaro sa P6.30 hanggang P6.60 ang itataas sa presyo ng bawat litro ng diesel; P2.50 hanggang P2.80 sa halaga ng gasolina at P5.15-P5.30 naman sa kerosene, base sa anunsyo ng ilang kumpanya ng langis.

Sinabi ng mambabatas na malaki ang magiging epekto nito sa mga pangunahing bilihin subalit pinangangatawanan ni Duterte ang hindi pagpasa sa mga panukalang batas na mag-aalis sa excise tax sa mga produktong petrolyo.

Imbes tanggalin ang excise tax, nagpatupad aniya ng band aid solution ang Duterte administration tulad ng isa hanggang dalawang buwang libreng sakay sa Metro Rail Transit (MRT) na limitado umano ang nakikinabang dahil hindi lahat ng Pilipino lalo na ang mga taga-probinsya ay sumasakay dito araw-araw.

“Yung mga pantawid pasada ay hindi talaga uubra ng pangmatagalan, lalo pa at napakabagal ng Duterte administration sa pag-rollout nito. Limitado rin lang ang matutulungan nito maski lahat naman tayo ay apektado ng pagtaas ng presyo ng langis,” paliwanag pa ng mambabatas.

Ang tanging solusyon aniya ay tanggalin ang nasabing buwis at dahil sa pagtanggi ni Duterte na isakatuparan ito ay ang mamamayan ang magsasakripisyo. (BERNARD TAGUINOD)

139

Related posts

Leave a Comment