KUMPIYANSA si House Committee on Health vice chairman Mike Defensor na hindi magagaya sa Dengvaxia ang covid-19 vaccines dahil nakatutok dito ang buong mundo.
Ginawa ni Defensor ang nasabing pahayag matapos magbabala ang forensic expert ng Public Attorney’s Office (PAO) na si Dr. Erwin Erfe, na posibleng matulad ang COVID-19 sa Dengvaxia dahil minamadali ang paggawa nito.
“Confident naman ako na magkakaroon nang maayos na trials dahil ang coverage naman ay malawakan and para sa lahat, different from the Dengvaxia vaccine,” ani Defensor.
Magugunitang naging kontrobersyal ang Dengvaxia na binili ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III dahil marami sa mga binakunahan ay namatay.
Lumalabas na minadali ang paggawa ng dengvaxia na panlaban sa dengue kaya mahigit 150 ang namatay mula sa mahigit 800,000 na nabakunahan na mayorya ay mga bata.
“The trials, given the coverage will be more extensive and highly monitored. So, before magawa dito, meron na ring trials based on the targeted population,” ani Defensor.
Dahil dito, hindi umano dapat ikabahala na magagaya ang COVID-19 vaccines sa Dengvaxia dahil mismong ang World Health Organizations (WHO) at pharmaceutical companies. kasama ang Food and Drug Administration, ay mahigpit na mino-monitor ang ginagawang bakuna laban sa COVID-19.
InaasahanG magkakaroon na ng bakuna sa COVID-19 pagdating ng Abril sa susunod na taon kaya naghahanda na Rito ang Pilipinas dahil ito lamang ang pag-asa upang makabalik na sa dating normal na pamumuhay ng mga Filipino.
Dahil dito, may inisyal na P5.6 billion n inilaan ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na pambili ng COVID-19 vaccines sa ilalim ng 2021 national budget na ipinasa kamakailan, sa ikatlo at huling pagbasa. (BERNARD TAGUINOD)
204
