Babala sa DILG NO VACCINE NO 4Ps, ILEGAL

(BERNARD TAGUINOD)

MISTULANG binalaan ng isang mambabatas sa Kamara ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa plano nito na hindi pagbibigay ng benepisyo sa mga Pantawid Pamilyang Pilipino program o 4Ps beneficiaries na hindi bakunado.

Ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, ilegal ang mungkahi ni Undersecretary Jonathan Malaya na huwag ibigay ang financial assistance ng 4Ps beneficiaries kung hindi magpapabakuna ang mga ito.

Ginawa ni Malaya ang pahayag dahil mayroon pa umanong 4 million 4Ps beneficiaries ang hindi nababakunahan laban sa COVID-19 habang ang iba naman ay sadyang ayaw magpabakuna.

Ayon kay Brosas, walang nakasaad sa Republic Act (RA) 11310 o “An Act Institutionalizing the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)” na hindi ibibigay ang benepisyo kapag hindi nagpabakuna.

“DILG cannot just introduce a new subsidy condition at its whim which is not in the 4Ps law or Republic Act 11310,” paalala ng mambabatas na naniniwalang pagtatangka ito ng nasabing ahensya na pagtakpan ang kapalpakan ng gobyerno na mapabilis ang pagbabakuna.

Wala aniyang kapangyarihan ang DILG na baguhin ang batas dahil tanging ang Kongreso ang puwedeng mag-amyenda nito at lalong walang karapatan ang nasabing ahensya na baluktutin ito para mapilitan ang 4Ps beneficiaries na magpabakuna.

Mas makabubuti aniyang tutukan ng DILG ang information drive lalo na sa mga probinsya para makumbinsi ang mga tao na magpabakuna dahil wala sa mga tao ang problema kundi nasa national government.

Marami umanong Local Government Units (LGUs) ang hindi nakatatanggap ng sapat na supply ng bakuna kaya imposibleng mabakunahan ang mayorya sa kanilang mga constituent.

“Ang kailangang lutasin ng DILG at ng gobyernong Duterte ay ang mabagal na vaccine rollout sa mga probinsya sa labas ng NCR. On the whole, no province outside NCR has over 50% of its population vaccinated,” paliwanag ng lady solon.

132

Related posts

Leave a Comment