CAVITE – Sugatan ang 31 katao, kabilang ang dalawang bata, nang mahulog mula sa tulay ang sinasakyang baby bus sa pababang bahagi ng ng kalsada sa bayan ng Ternate sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.
Unang isinugod ang mga biktima na pawang mga residente ng South Morning View Subdivision, Timalan, Balsahan, Naic, Cavite, sa San Lorenzo Ruiz Hospital sa Naic, at Cavite Municipal Hospital sa Maragondon ngunit inilipat sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital sa Trece Martires City.
Habang ang driver ng baby bus na may plakang DXE 277, na si Oscar Mamatan Jr., ay inilipat sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila dahil sa grabeng pinsala sa katawan.
Nabatid sa ulat ni P/MSgt. Alfredo Guevarra Jr. ng Ternate Police Station, bandang alas-5:00 ng hapon nang mangyari ang insidente.
Ang mga pasahero ng baby bus ay galing sa paliligo sa isang beach sa Patungan at pauwi na ngunit pagsapit sa isang palusong na bahagi ng kalsada sa Governor’s Drive, Sapang 2 Bridge, Ternate, Cavite nang umano’y nawalan ng kontrol sa kanyang manibela ang driver at nahulog mula sa tulay ang sasakyan.
Ayon kay Guevarra, nakikipag-ugnayan na sila sa operator ng nasabing baby bus para sa pinansiyal na tulong sa mga biktima. (SIGFRED ADSUARA)
492
