BACK TO BASIC IPATUTUPAD NG SENADO SA PAGBALANGKAS NG 2027 NATIONAL BUDGET

UMARANGKADA na ang pagtalakay ng Senate Committee on Finance sa proposed 2027 national budget na umaabot sa P7.2 trilyon.

Nagsagawa ng briefing ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa mga senador hinggil sa panukalang badyet.

Dumalo sa pagdinig sina Finance Secretary Frederick Go, Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon, Department of Economy, Planning and Development Secretary Arsenio Balisacan at Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr.

Sinabi ni Senate Committee on Finance Chairman Senador JV Ejercito na ipatutupad nila ang “back to basic” policy sa pagbalangkas ng budget upang matiyak na tutugon ito sa pangunahing pangangailangan ng bansa gaya ng pagkain, kalusugan, edukasyon, imprastraktura, hanapbuhay at seguridad.

Iginiit ni Ejercito na hindi dapat maging pira-piraso ang mga ipatutupad na infrastructure project at sa halip ay kailangang magkaroon ng pangmatagalan at komprehensibong master plan na mag-uugnay sa mga lansangan, railway, seaport at mga komunidad.

Muli ring tiniyak ng senador na sa paghimay sa proposed budget ay hindi nila papayagan na maulit ang pagsasayang, pagwaldas at korapsyon sa pondo ng bayan.

Idinagdag niya na mahigpit nilang babantayan at ipagbabawal ang anumang last-minute insertion sa bicameral conference committee.

Itutuloy rin aniya ang livestream ng bicameral conference committee deliberations at pananatilihin ang Senate Budget Transparency Portal.

Ipagpapatuloy din ang anti-epal provision o pagbabawal sa paglalagay o pagbabandera ng pangalan ng mga pulitiko sa mga proyekto ng pamahalaan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

82

Related posts

Leave a Comment