SINAMPAHAN na ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries ang ama ng estudyanteng namaril sa Ateneo de Zamboanga University.
Inihayag ng Philippine National Police, nakitaan ng kapabayaan ang ama ng estudyante sa pagtatago ng kanyang baril.
Hindi rin nakaligtas ang isang school security personnel na haharap din sa parehong reklamo dahil sa security gaps, dahilan upang maipasok ang mga baril sa paaralan.
Ayon sa PNP, maiging sinuri ng Special Investigation Task Group ang mga CCTV footage, physical at digital evidence, school records, at firearm-related evidence para makumpleto ang imbestigasyon.
Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon, walang ebidensya na konektado ang pamamaril sa mga conspiracy na kinasasangkutan ng anomang mga grupo, organisasyon o sinomang indibidwal.
Bukod dito, wala rin umanong school-related o personal grievance na makapagpapaliwanag sa pamamaril.
Samantala, sinabi naman ng PNP na exposure sa bayolenteng online materials ang nakikita nilang posibleng may kinalaman sa insidente.
(TOTO NABAJA)
78 