ISANG tauhan ng Philippine Air Force (PAF) ang dinala sa pagamutan nitong Lunes matapos na matuklaw ng isang malaking sawa na gumagala sa Villamor Air Base, sa Pasay City ilang oras bago ang flight ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungong India para sa gaganaping state visit.
Nakita ang ahas sa madamong bahagi ng air base kaya agad na hinuli ito ng isang sundalo ngunit lumaban ang sawa at nasakmal ito subalit nagawa ring maisilid sa sako ng sumaklolong mga sundalo.
Agad namang nilinaw ni Philippine Air Force chief Arthur Cordura na ang insidente ay hindi cause for concern. “It’s not a cause for concern and we guarantee that we keep watch,” ani Lt. Gen. Cordura.
“It might be incidental na malaki na siya it might have penetrated somewhere. The area is very porous.” Ani Cordura, posibleng galing ito sa labas at nakagapang lamang papasok ng kampo. Hindi umano ito unang pagkakataon na nakahuli sila ng ahas sa loob ng base.
Kahapon ay nakatakda ring magbigay ng kanyang pre-departure statement si Pangulong Marcos para sa kanyang state visit sa India na tatagal hanggang Agosto 8, sa imbitasyon ni Prime Minister Narendra Modi.
Inaasahang makipagpupulong ang Pangulo sa business sector sa New Delhi at Bangalore. Nakatakda rin siyang humarap sa Filipino community sa New Delhi.
(JESSE RUIZ)
185 