PINASINAYAAN nina Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan ang bagong hospital equipment ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC) na magagamit para sa mabilis na deteksiyon ng mga sakit.
Ito ang ibinida ng dalawang lider ng lungsod kasama si GABMMC director Dr. Ted Martin kaugnay sa bagong GE Revolution EVO-128 slice CT scan machine ng naturang pagamutan.
Nabatid na ang Japan-made CT scan machine ay binili ni Moreno bilang bahagi ng kanyang long-term plan para mapagbuti ang health services sa lungsod ng Maynila.
Samantala, si Ricardo Dalisay, ang sikat na karakter sa seryeng Probinsyano ang magiging mukha ng vaccination information campaign sa Maynila.
Ayon kay Moreno, agad pumayag ang aktor na si Coco Martin, gumaganap bilang Ricardo Dalisay, na samahan siya sa video info drive nang libre.
Sa pagnanais na makalikha ng herd immunity, sina Moreno at Lacuna ay aktibong nangangampanya sa mamamayan ng lungsod na samantalahin ang libreng bakuna na ibinibigay ng lokal na pamahalaan at tamasahin ang benipisyong dulot nito.
Ang 50-segundong video ay nagsisimula kay Moreno na nagbibigay ng mensahe na susundan ng mga testimonya mula sa isang public utility driver at miyembro ng educational institution na kapwa nagpapahayag ng pag-asa sa kinabukasang magbabalik sa dati ang buhay sa pamamagitan ng pagpapabakuna at saka lalabas si Coco. (RENE CRISOSTOMO)
331
