BAGONG POLISIYA NI PNP CHIEF GEN. TORRE TINUTULAN NG CHR

PUNA ni JOEL O. AMONGO

IKINABAHALA ng Commission on Human Rights (CHR) ang sinabi ng bagong talagang Philippine National Police (PNP) chief na si General Nicolas Torre III, na gusto niyang paramihan ng mahuhuling mga suspek ang mga kagawad ng pulisya sa buong bansa.

Matapos na umupo bilang PNP chief si Torre noong Hunyo 2, 2025 kapalit sa nagretirong si General Rommel Marbil, sinabi nitong kasama sa kanyang matrix ay ang paramihan sa mahuhuling mga suspek ang mga pulis.

Ang pahayag na ito ni Torre ay ikinabahala ni Commissioner Beda Epres ng Commission on Human Rights (CHR), dahil baka abusuhin ito ng mga kagawad ng pulisya.

Aniya, baka kahit walang kasalanan ay basta-basta na lang manghuli nang manghuli ang mga pulis para lang masunod ang kautusan ni Torre.

Kung kaya’t sinabi ni Commissioner Epres na kailangang maglabas ng malinaw na guidelines o polisiya si Torre kaugnay sa sinasabi nitong paramihan ng mahuhuli ang mga kagawad ng PNP.

Matatandaan na naging kontrobersyal si Torre sa ginawa nitong pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte, na may narinig pa sa video na may kakaladkarin ito.

Ayon sa mga Pilipino, nilabag ni Torre ang karapatang pantao ni dating Pangulong Duterte matapos hindi masunod ang kagustuhan nitong makita ang kanyang anak na si Vice President Inday Sara bago siya pilit na pinasakay sa eroplano patungo sa International Criminal Court (ICC), The Hague, Netherlands.

Hindi umano pinapasok ni Torre si VP Sara sa Villamor Air Base kung saan nanatili si FPRRD, ilang oras bago sapilitang pinasakay sa eroplano at dinala sa Netherlands.

Hindi rin nagustuhan ng mga Pilipino ang ginawang pagsalakay ng grupo ni Torre sa kampo ni Pastor Apollo Quiboloy sa Davao, na tila sumalakay sa kampo ng mga rebelde, na pawang may dalang matataas na kalibre ng baril ang mga kasama nito.

Naniniwala naman ang publiko na kaya itinalaga ni PBBM bilang hepe ng Pambansang Pulisya si Torre ay dahil sa pagiging masunurin nito sa kanya.

Dahil sa pagtalaga ni PBBM kay Torre bilang PNP chief ay asahang lalo pang babagsak ang trust rating ng pangulo.

Sa pinakahuling Pulse Asia Survey, si PBBM ay nakapagtala lamang ng 32%, si VP Sara ay 50%, samantalang nananatiling pinakamataas si FPRRD na nakapagtala ng 63% sa kabila ng pagkakakulong nito sa The Hague, Netherlands.

Hindi naman nagustuhan ni Senador Jinggoy Estrada ang ginawang pagtalaga ni PBBM kay Torre bilang PNP chief.

Sinabi ng senador na ngayon lang nagkaroon ng aroganteng PNP chief ang Pilipinas.

Ayon naman sa ibang Pilipino, ang pagtalaga ni PBBM kay Torre bilang PNP chief, ay bilang premyo o reward sa heneral sa pagiging masunurin nito.

May mga nagsabi rin na hindi sinsero ni PBBM sa kanyang binibitiwang mga salita. Kamakailan sa panayam sa kanya ni Anthony Taberna, sinabi niyang bukas siyang makipagkasundo sa mga Duterte nang walang kondisyon o kapalit.

Ang pahayag na ito ni PBBM ay lalo pang nagdulot ng kawalan ng tiwala sa kanya ng taumbayan dahil puro pabor lang sa kanya ang nais nito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com

28

Related posts

Leave a Comment