UPANG matiyak ang pag-iikot ng mga pulis sa komunidad ay ipasasara ni PNP chief PGen. Nicolas Torre III, ang ilang police boxes at police community precincts.
Ito ay bilang bahagi ng kampanya para paigtingin ang presensya ng mga pulis sa lansangan. Nabatid na karaniwang ginagawang tambayan ng mga pulis ang PCP.
Sinabi ni Torre, dapat hawak ng mga pulis ang kanilang radyo habang nagpapatrolya, kung wala rin namang imbestigasyon sa PCP.
Upang matiyak ang serbisyo publiko, kasabay ng pagpapalakas ng 911 hotline, inihayag ni Torre na pulis na mismo ang lalapit sa mga tao na humihingi ng tulong.
Samantala, umarangkada na kahapon ang walong oras na duty ng mga kawani ng Pambansang Pulisya.
Ani Torre, epektibo ito sa mga tinaguriang ‘cities that never sleep’ tulad ng Quezon city.
Aniya, ang pag-duty ng mga pulis na dose oras ay sobra-sobra sa umiiral na labor rules.
Nauna nang ipinatupad ni Torre ang walong oras na duty ng mga pulis noong siya ay District Director ng Quezon City Police.
Nilinaw ng opisyal, na ang walong oras na duty ay dapat walang mga nakaupo, nagse-cellphone at patulog-tulog na pulis.
(TOTO NABAJA)
