TARGET ni KA REX CAYANONG
SA muling pagkapanalo ni Baguio City Mayor Benjie Magalong para sa ikatlong termino, hindi lamang siya muling pinili ng taumbayan—muli rin siyang kinilalang simbolo ng paninindigan at tapat na pamumuno. Kaya sa isang panahon kung kailan ang integridad ay tila nagiging bihira sa larangan ng pulitika, si Magalong ay nananatiling saksi na ang malinis at may prinsipyong pamamahala ay posible, praktikal, at dapat tularan.
Hindi maliit ang hamon na kinakaharap ng Baguio. Bilang Summer Capital ng bansa, malaki ang inaasahan dito—mula sa turismo hanggang sa klima, kalikasan, at kabuhayan. Ngunit sa likod ng malamig na simoy ng hangin ay ang umiigting na banta ng urban decay: lumalalang imprastraktura, mga sirang pasilidad, at iba pang suliraning panlungsod.
Sinasabing sa halip na matakot o umatras, si Mayor Magalong ay muling tumayo upang ituloy ang kanyang pitong pangunahing agenda—mga adhikaing angkop sa mga isyung panlipunan at pangkapaligiran na kinakaharap ng lungsod.
Isinusulong niya ang mga konkretong solusyon para sa climate change, disaster resilience, at urban development—mga larangang madalas isantabi sa maraming pamahalaang lokal. Bukod dito, pinapalakas niya ang sektor ng kabataan, ekonomiya, at pamamahalang makabago sa pamamagitan ng smart city management. Higit sa lahat, naninindigan siya para sa good governance, ang pundasyong nagbubuklod sa lahat ng ito.
Ang kanyang pahayag na, “ang inyong tiwala ang aking lakas,” ay hindi lamang retorika. Isa itong paalala na ang pamumuno ay hindi para sa pansariling interes kundi para sa taumbayang nagtitiwala. Si Magalong ay hindi lamang alcalde, siya ay tagapagtanggol ng dangal at karangalan ng serbisyo publiko. Sa isang bansang matagal nang inaasam ang lider na tapat, si Magalong ay patunay na may mga lider na inuuna ang bayan bago ang sarili.
Nawa’y magsilbing huwaran ang pamahalaan ng Baguio para sa iba pang lungsod sa bansa.
