LALONG lumakas ang bagyong Florita kahit tumama na ang sentro nito sa Maconacon, Isabela, alas-10:30 ng umaga kahapon.
Hindi pa man ito nag-landfall ay nakaranas na ng mga pagbaha ang ilang lalawigan sa Hilagang Luzon dahil sa malakas na ulan kaya napilitang magpatupad ng evacuation sa ilang lugar.
Inalerto naman ni AFP Northern Luzon Command chief Lt. General Ernesto Torres ang kanyang mga tauhan at lahat ng available asset na bukod sa mga binahang area ay bantayan din ang mga lugar na tinamaan ng Magnitude 7.0 earthquake.
Ayon sa Cagayan Provincial disaster officer, kabilang sa mga binaha ang bayan ng Baggao, Gonzaga, at Gattaran.
Sa Baggao, sapilitang inilikas kahapon ang may 36 pamilya o 103 indibidwal sa may Barangay Taytay-Bantay dahil sa banta ng landslide.
Una nang nagpatupad ng pre-emptive evacuation noong Lunes.
Inilikas din ang ilang pamilya sa Barangay Bagunot at Bitag Grande dahil sa baha.
Hindi naman madaanan ang Sippaga Bridge sa Barangay Nangalinan matapos masira sa pagragasa ng tubig.
Dahil sa malakas na ulan, umapaw rin ang ilog sa Barangay Carupian at lumubog ang ilang taniman ng mais.
Sa bayan ng Gonzaga, umabot hanggang tuhod ang baha sa Barangay Casitan, kung saan inilikas ang 49 pamilya sa evacuation center.
Sa pinakahuling tala, higit 100 pamilya na ang hinatid sa evacuation centers sa ilang lugar sa mga bayan ng Gonzaga, Gataran, Baggao at Iguig na itinuturing na highly flood-prone areas.
Tiniyak naman ni provincial disaster office head Ruelie Rapsing na ipinatutupad ang health protocols sa mga evacuation center para sa kaligtasan laban sa banta ng COVID-19.
Sa Isabela, inilikas na rin ang mga residenteng nakatira sa coastal areas.
Sinuspinde na rin ni Governor Rodito Albano III ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan gayundin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno.
Sa Ilocos Norte, higit 60 bahay ang lubog sa baha sa bayan ng Pinili habang nag-iwan naman ng putik sa kalsada ang ulan sa Batac.
Inihahanda na ng provincial government ang mga evacuation center at relief goods na ipamamahagi sa mga ililikas at naapektuhang residente.
Sinuspinde na rin ang pasok sa Ilocos Norte pati sa karatig-probinsya ng Ilocos Sur.
Sa bayan ng Aparri, Cagayan, stranded sa Dappa Wharf ang 197 pasahero, karamihan ay estudyante.
Pauwi na sana sila matapos ideklara ang class suspension pero hindi pinayagang makabiyahe ng Philippine Coast Guard (PCG) dahil sa masamang panahon.
Kalaunan ay sinundo ng Coast Guard ang mga stranded saka inihatid sa kanilang uuwian.
Mahigpit din ang paalala ng Coast Guard tungkol sa no sail policy sa karagatan.
Umiiral din ang no sail policy sa lalawigan ng Isabela gayundin ang liquor ban para matiyak ang kaligtasan ng mga residente. (JESSE KABEL/RENE CRISOSTOMO)
