“DUE to the continuous heavy rain in the province of Ifugao triggered by Super Typhoon Henry and Tropical Depression Gardo, a landslide incident resulted in the untimely death of a farmer in Sitio Natulan, Brgy. Mongol, Mayoyao on September 1, 2022,” ayon sa ulat na bineberipika ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon sa inisyal na ulat, kinilala ang namatay na si Renie Omayho Bullan, 37-anyos na magsasaka na natabunan sa nangyaring landslide sa Sitio Natulan, Brgy. Mongol.
Base sa imbestigasyon ng mga pulis, pumunta ang biktima sa bahay ng kanyang kapatid para sumilong dahil sa lakas ng ulan dala ng Super Typhoon Henry at Tropical Depression Gardo.
Napag-alamang dahil sa malakas na ulan ay lumambot ang lupa naging dahilan upang gumuho at natabunan ang bahay.
Agad nagsagawa ng search and retrieval operation at natagpuan ang bangkay ng biktima noong Huwebes.
Samantala, bahagyang humina ang Bagyong Henry subalit naging mabagal naman ang pagkilos nito habang tinatahak ang landas palabas ng area of responsibility ng Pilipinas.
Nagtaas na ng tropical cyclone wind signal number two (2) ang Pagasa sa Batanes dahil sa Typhoon Henry.
Nananatili naman sa signal number one ang Babuyan Islands at northeastern portion ng mainland Cagayan (Santa Ana).
Taglay nito ang lakas ng hangin na 165 kph at may pagbugsong 205 kph.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 365 km sa silangan-hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.
Kumikilos ito nang napakabagal patungo sa pahilagang-kanlurang direksyon. (JESSE KABEL)
