PATULOY na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang namumuong bagyo na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Lunes, Nobyembre 9, 2026.
Ayon sa PAGASA, inaasahang lalakas bilang ganap na bagyo ang Severe Tropical Storm Cempaka at papangalanang Tropical Cyclone Samuel oras na makapasok ito sa PAR.
Gayunman, hindi inaasahang direktang makaaapekto sa bansa ang bagyo dahil mananatili ito sa Philippine Sea, malayo sa kalupaan. Subalit, posibleng magdulot ito ng masamang lagay ng panahon sa karagatan dahil sa umiiral na Northeast Monsoon o hanging Amihan.
Batay sa weather forecast ng PAGASA na ibinahagi kahapon ng Office of Civil Defense (OCD), katamtaman hanggang maalon ang karagatan sa mga baybayin ng Hilaga at Gitnang Luzon sa susunod na 24 oras.
Posible namang makaranas ng napakaalon na karagatan ang mga baybayin ng Hilagang Luzon simula Martes, Nobyembre 10, kaya inaasahang maglalabas ng Gale Warning ang PAGASA.
Tatahak sa direksyong kanluran-hilagang kanluran ang bagyong Cempaka bago pumasok sa PAR, saka inaasahang lilihis sa hilaga-hilagang silangan pagsapit ng Lunes ng hapon o gabi.
Inaasahan ding patuloy itong lalakas hanggang maabot ang pinakamataas na intensidad, bago magsimulang humina nang unti-unti sa Martes.
Samantala, magdadala ng maulap na kalangitan at pag-ulan ang hanging Amihan sa ilang bahagi ng Hilagang Luzon.
Magdudulot naman ang easterlies ng mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Bicol Region, Eastern Visayas, Quezon at ilang bahagi ng Mindanao.
Asahan din ang panaka-nakang pag-ulan at thunderstorms sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
(JESSE RUIZ)
35 