ARESTADO ang dalawang suspek sa pagnanakaw matapos umanong pasukin ang isang convenience store sa Gen. Trias City, Cavite sa pamamagitan ng pagsira sa bubong at kisame nito.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas Ces at alyas Bryan na natunton ng mga tauhan ng Gen. Trias Component City Police Station sa pamamagitan ng closed-circuit television (CCTV) footage.
Sa ulat, dakong alas-6:15 ng umaga nang pumasok ang isang empleyado ng Dali Everyday Grocery sa Marycris Complex, Barangay Pasong Camachile II, at nadiskubre ang pagkasira ng ilang bahagi ng bubong at kisame ng tindahan.
Bumagsak sa loob ng establisimyento ang mga nasirang bahagi nito na naging sanhi rin ng pagkasira ng ilang paninda.
Agad na ipinaalam ng empleyado ang insidente sa barangay na siyang nag-ulat nito sa pulisya.
Sa pagsusuri ng CCTV footage, nakita si alyas Ces na palakad-lakad sa gilid ng tindahan bago sumakay sa motorsiklong minamaneho ni alyas Bryan at tumakas.
Nagsagawa ng operasyon ang pulisya na nagresulta sa pagkakatukoy sa ginamit na motorsiklo sa Sitio Ilang-Ilang, Barangay Pasong Camachile II, at pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Patuloy namang iniimbentaryo ng pamunuan ng tindahan ang mga paninda upang matukoy ang kabuuang halaga ng mga nasira at posibleng natangay.
(SIGFRED ADSUARA)
23 