MAS PINAIGTING ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad para sa gaganaping Traslacion 2026 kaugnay ng kapistahan ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay PNP Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahigit 18,000 pulis ang ide-deploy sa kapistahan, kasama ang augmentation mula sa Central Luzon, Calabarzon, at Special Action Force (SAF).
Samantala, kabilang sa mga mahigpit na security measures na pinag-aaralan ng PNP–National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapatupad ng liquor ban at pansamantalang suspensyon ng permit to carry firearms upang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa Traslacion sa Biyernes, Enero 9.
Ayon kay NCRPO chief Police Maj. Gen. Anthony Aberin, humiling na sila sa City Government of Manila at sa PNP national headquarters para sa naturang mga hakbang.
“Kasama po sa ordinansang ipapatupad ang pag-inom. Ni-request po natin sa City Government of Manila na magkaroon ng liquor ban during the activity,” ani Aberin.
Dagdag pa niya, humiling na rin sila sa PNP national headquarters ng suspension ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) mula Enero 8 hanggang Enero 10.
Bukod dito, hiniling din ng NCRPO sa National Telecommunications Commission (NTC) ang posibleng signal disruption sa mga lugar na sakop ng Traslacion, gayundin sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa pagpapatupad ng no-fly zone.
Nagpaalala rin ang NCRPO sa mga deboto na ipinagbabawal ang pagdadala ng patalim at deadly weapons, at pinayuhang iwasan ang paggamit ng face coverings tulad ng helmet, face mask, cap, at balaclava sa mismong prusisyon.
Samantala, target ng NCRPO na paikliin sa 10 hanggang 12 oras ang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno mula Quirino Grandstand patungong Quiapo Church, kung kakayanin ng sitwasyon.
Matatandaang ang pinakamabilis na Traslacion na naitala ay noong 2024, na tumagal ng halos 15 oras, mas maikli kumpara sa karaniwang mahigit 20 oras.
Upang mapabilis ang prusisyon, direktang tutulong ang pulisya sa paggalaw ng andas sa 5.8-kilometrong ruta sa Maynila. Bukod sa mga pulis na naka-assign sa 12 segments, may mga opisyal ding tutulong sa paghatak ng andas upang maiwasan ang pagkaantala.
Mayroon ding ilang pulis na nagboluntaryo bilang hijos para tumulong sa crowd control at kaayusan sa paligid ng andas.
Ayon kay NCRPO spokesperson Maj. Hazel Asilo, layon ng mga hakbang na ito ang mas maayos na crowd management at pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa isa sa pinakamalaking relihiyosong pagtitipon sa bansa.
(JESSE RUIZ)
34
