PINANINIWALAANG isang Islamic State linked Abu Sayyaf terrorist cell ang nawasak ng Malaysian authorities nang mapatay nila ang limang kasapi ng Abu Sayyaf Group, kabilang ang isa sa top priority target ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas, limang kasapi ng Islamic state inspired Abu Sayyaf Group ang napaslang sa sagupaan sa Sabah sa Malaysian portion ng Borneo.
Kabilang sa napatay noong Martes ng gabi si Mabar Binda, isang Abu Sayyaf sub-commander na kasama sa Philippine government’s wanted list, ayon sa pahayag ni Sabah State Police Commissioner Hazani Ghazali.
“With the fall of these five, the police are confident we have crippled one Abu Sayyaf cell hiding out in Sabah,” pahayag ni Ghazali sa media.
Nabatid na pinaigting ng Malaysian authorities ang pagtugis sa nasabing miltanteng grupo matapos ang pag-atake sa Kuala Lumpur noong 2016, bukod pa ang nangyaring kidnapping for ransom sa dagat sa pagitan ng Malaysia at Pilipinas.
Unang napaulat na nadakip noong nakaraang linggo ng Malayasian Police si Mabar Minda.
Kamakailan, iniulat ang hinggil sa dalawang Abu Sayyaf Group leader at anim na mga tauhan ng mga ito na pawang sakot sa kidnap for ransom, na nadakip sa ikinasang anti-terrorism operation ng militar sa Malaysia sa pamamagitan ng Bilateral anti-terrorism efforts ng Pilipinas at ng nasabing bansa.
Sa ulat na isinumite sa punong himpilan ng Armed Forces of the Philippine ng Western Mindanao Command, dahil sa pinaigting na ugnayan ng AFP at Eastern Sabah Southern Command (ESSCOM) ay nadakip ang dalawang notoryus na Abu Sayyaf Group sub-leaders at anim na tauhan nila sa Sabah, Malaysia nooong nakalipas na linggo.
“Based on the report from the ground, the ESSCOM responded to the information provided by the Joint Task Force Sulu and launched a police special operation in Jalan Taman Sri Arjuna, Beaufort, Sabah around 3:00 o’clock in the morning, May 8, 2021, Saturday,” ani Lt. Gen. Corleto Vinluan, Jr., WestMinCom commander.
Kinilala ang dalawang opisyal ng ASG na nadakip sa ikinasang bilateral anti-terrorism operation na sina Sansibar Bensio at Mabar Binda, kapwa sub-leader ng Eastern Sulu-based Abu Sayyaf Group. (JESSE KABEL)
