BAKIT HINDI MAIPATAWAG SI ROMUALDEZ SA FLOOD CONTROL PROBE?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

MATINDI ang paratang ni Senator Rodante Marcoleta na tila itinago ng pamunuan ng Senate Blue Ribbon Committee si Martin Romualdez sa gitna ng imbestigasyon sa flood control corruption.

Ayon kay Marcoleta, sa halip na harapin ng Senado ang seryosong alegasyon laban sa dating House Speaker, ginamit pa raw ang inter-parliamentary courtesy upang hindi ito mapatawag at makaharap sa mga tanong.

Kung tama ang sinabi ni Marcoleta, malaking tanong ito sa kredibilidad ng imbestigasyon ng Komite sa pamumuno ni Senator Panfilo Lacson. Sa mga nakaraang pagdinig, paulit-ulit na nababanggit ng ilang testigo at sa mga ulat ang pangalan ni Romualdez na iniuugnay sa mga kontrobersya sa flood control projects. Ngunit sa halip na direktang ipatawag, tila umiikot ang talakayan sa mga taong hindi malinaw ang papel sa mismong paglalaan ng pondo.

Para kay Marcoleta, hindi dapat gawing hadlang ang inter-parliamentary courtesy sa paghahanap ng katotohanan. Kung may mga alegasyon na kailangang ipaliwanag, lalo na kung may kinalaman sa bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan, responsibilidad ng Senado na siyasatin ito, kahit pa sino ang madamay.

“Hindi po karaniwang pagnanakaw ang nangyari sa kasaysayan ng ating bansa,” giit ni Marcoleta kay Lacson. “Hindi po ba ninyo naiisip, mismong kaban ng bayan ang tumagilid? Pagkatapos magtatago kayo sa prinsipyo o doktrina ng inter-parliamentary courtesy?”

Mas lalo pang nalito ang imbestigasyon nang lumabas ang kontrobersyal na press conference ng 18 diumano’y ex-Marines na nagkwento tungkol sa pagdadala ng mga maleta ng pera sa iba’t ibang personalidad. Sa halip na magbigay-linaw, lalo lang nitong pinainit ang usapin. Marami tuloy ang nagtatanong kung ito ba ay tunay na whistleblowing o isa lamang panligaw upang mailayo ang pansin sa tunay na sentro ng imbestigasyon.

May mga bulung-bulungan pa na ang nasabing press conference ay pinondohan umano ng kampo ni Romualdez upang guluhin ang direksyon ng mga pagdinig. At habang sinusulat ang kolum na ito, may mga usap-usapan pa na may ikalawang batch daw ng mga “sundalo” na ilulutang sa mga susunod na araw. Mula naman daw ito sa ibang grupo, pero pareho ang layunin na maglabas ng bagong kwento na magpapalabo pa sa isyu.

Kung may mga pangalan na paulit-ulit na lumalabas sa mga alegasyon, gaya ni Romualdez, hindi sapat na ikubli sila sa likod ng tradisyon o courtesy. Mas mahalaga ba ito kaysa national interest? Malamang hindi. Mas dapat unahin ang paghahanap ng hustisya laban sa mga tunay na responsable sa problemang hanggang ngayon ay pasan ng buong sambayanang Pilipino.

81

Related posts

Leave a Comment