Bakit ka nagugutom? Simple o kumplikadong tanong ito depende sa perspektibo ng nakakarinig at sumasagot. Marami ring pwedeng paraan ng pagsagot nito. Maaring simpleng papilosopong sagot na ‘kasi di pa ako kumakain kaya gutom.’
Sa aming disiplina pwedeng psychophysiological ang lapit at maipapaliwanag ito bilang nakakonekta sa complex na interaksiyon ng iba’t ibang sistema sa katawan ng tao: ang nervous, endocrine at digestive systems. Maaring pag nakakita o nakaamoy ang ating mata o ilong ng isang pagkain, o kaya’y sa takdang oras sa isang araw ay nai-interpret ng ating utak na oras na ng pagkain at maalerto ang hunger system sa tiyan at utak–at maiisip natin na tayo ay gutom. Pag naubos na ang mga kailangang kemikal o sustansiya sa katawan, maalerto ang digestive tract para makapagpadala ito ng signal sa hypothalamus sa utak na siya namang magpapaunawa sa isip na nagugutom na tayo. Ito rin ang sistemang nagbibigay sa atin ng signal ng pagkabusog at oras nang tumigil kumain.
Maari ring mas sosyosikolohikal ang rason gaya ng ‘pag nakakakita tayo ng sobrang magaganang kumain at napapaalala sa atin ang sensation ng pagkagutom at sarap ng pagkain lalo na sa piling ng mga mahal natin.
Pwede ring ipaliwanag kung bakit nagugutom ang tao sa mas sosyolohikal-istruktural na kadahilanan. Hindi magsisinungaling ang mga istadistika sa ekonomiya at iba’t ibang imahe o larawan sa iba’t ibang medya na hanggang ngayon marami pa ring pamilyang Filipino ang nagugutom o kaya’y kahit nakakain, ay di naman sapat at tama ang mga nakakayang ihain sa hapag.
Kumakalam ang sikmura dahil kulang ang pagkain dulot ng kulang din ang mga kinikita galing sa trabahong ‘di rin sapat para sa batayang pangangailangan ng pamilya. Sobrang taas ang halaga ng mga bilihin kesa sa halagang nasa bulsa. ‘Yung mga nag-aral ng political-economy ay mas kayang palalimin ang kadahilanang ito at ‘di na rin kakasya sa espasyo natin dito.
Isang mekanismong survival din ang gutom. Nakakaranas tayo nito sa takdang oras-oras araw-araw para kumain tayo at magpatuloy ang buhay. Sana nga lang, sa bawat oras na nararamdaman natin ito ay may oportunidad at sapat na kakayahan para tugunan ito para hindi lamang survival bagkus ay quality life ang tinatamo ng bawat isa sa atin. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)
