BAKIT KASI NAGTITIPID?

KAPAG kailangan ng gobyerno na mapalago ang ekonomiya ng bansa, sinasabihan tayo na gumastos, mamili, mamasyal sa mga local tourist spots upang umikot ang pera.

Sa katunayan, may mga impormasyon na kinakausap ng mga ahensya ng gobyerno ang mga negosyante na magbagsak ng presyo sa kanilang paninda kaya nagkakaroon ng sales sa mga malls at iba pang mga pamilihan.

Nae-engganyo kasi ang mga tao na mamili kapag bagsak ang presyo sa pag-aakalang talagang bumagsak ang presyo kahit ang mga panindang ibinagsak ang halaga ay mga old stock na.

Epektibo ang ganitong sistema dahil kahit papaano ay marami ang namimili ng kung ano-anong bagay at kapag tumaas ang sales, maraming pera ang umiikot at sumisigla ang ekonomiya.

Pero nagtataka ako, bakit ang gobyerno ay ayaw gumastos ng gumastos kahit meron silang pondo na inilaan para sa iba’t ibang programa at proyekto? Hindi ko yun maintindihan.

Hindi biro ang halaga ng pondong hindi nagagastos ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Transportation (DOTr).

Ang DPWH ay inirereklamo ni Sen. Panfilo Lacson dahil pinalobo pa ang kanilang budget sa susunod ng taon ng mahigit P200 Billion pero hindi nila nagagastos ang lahat ng pondong ibinigay sa kanila.

Ang DSWD, mayroong P83 Billion na pondong hindi nila nagalaw ngayong 2020 at halos ganito rin ang halaga raw ng pondo naman ng DOTr na hindi nila ginastos ngayong taon.

Palagay ko, hindi lamang ang mga ahensyang ito ang hindi ginastos ang kanilang pondo sa hindi malamang dahilan. Nandyan na ang pondo ayaw pang gastusin eh alam nila na kapag gumastos sila ay sisigla ang ekonomiya.

Dahil napakalaki ng pondo ang hindi nagastos ngayong taon, hiniling ni Pangulong Duterte sa Kongreso na ipasa ang panukala na palawigin ng isa pang taon ang buhay ng 2020 national budget.

Agad namang sumunod ang Kongreso kaya ipinasa nila ang urgent bill ni Duterte kaya puwedeng gamitin ang 2020 national budget hanggang Disyembre 31, 2021. Mantakin mo yan.

Ang akin lang, hindi dapat gumaya ang gobyerno sa mga pamilya na nagtitipid lalo na yung mga limitado lang ang income para mairaos nila ang kanilang ­pang-araw-araw na pangangailangan.

Oo marami ang nagtitipid na tao. Imbes na sumakay ay maglalakad na lang patungo sa trabaho. Imbes na tatlong beses kumain isang araw ay ginagawang dalawang beses na lang.

Anong pinaggagawa nyo bakit hindi nagastos ang pondong ibinigay sa inyo eh kailangan na kailangan ng mga tao yan para magkaroon sila ng trabaho, magkaroon sila ng oportunidad?

Tapos magtataka kayo bakit walang trabaho ang mga tao, bakit mahina ang ekonomiya, bakit ­marami ang nagugutom, bakit trapik, bakit maraming nagkakasakit at kung ano-akong bakit.

Para kayong mga batang binigyan ng baon ng nanay nyo pero hindi niyo ibinili ng pagkain tapos magrereklamo kayo na gutom na gutom kayo pag-uwi ng bahay nyo!

 

360

Related posts

Leave a Comment