Ni Ann Esternon
Bakit nagkakaroon ng pigsa? Saan ito galing?
Ang pigsa, boil sa Ingles, ay isang bacterial infection na nagsisimula sa hair follicle at sa oil glands.
Nagsisimula ang pigsa sa pagkapula ng area na pagtutubuan nito. Nagsisimula ito sa loob lamang ng ilang oras o araw. Habang namumula ay bumubukol ito at matigas. Matapos ang apat hanggang pitong araw, ang bukol na ito ay lumalambot at magkukulay puti dahil nagsisimula nang magkaroon ng fluid na kung tawagin ay nana na nasa loob habang tumatagal.
Ang sukat ng pigsa ay maaaring umabot sa kalahating pulgada. Habang tumatagal ang pigsa, lalo itong sumasakit. Karaniwang gumagaling ang pigsa matapos ang isang linggo.
Ang pigsa ay maaaring tumubo sa kahit anong bahagi ng katawan ngunit mas karaniwang tumutubo sa mukha, kilikili, leeg, puwet, at singit.
Kapag ang pigsa ay marami o isang grupo, tinatawag na itong carbuncle o carbunculosis at ito ay delikado. Karaniwan itong tumutubo sa leeg at mas malalim ang apektadong tissue kumpara sa ordinaryong pigsa.
RECURRENT FURUNCULOSIS
Mayroong pigsa na pabalik-balik at tinatawag itong recurrent furunculosis. Ang kondisyon na ito ay nangyayari tatlong beses o higit pa sa loob ng isang taon. Ang pigsang ganito ay madaling kumalat.
MGA SANHI NG PAGKAKAROON NG PIGSA
Karamihan sa mga pigsa ay sanhi ng staphylococcal bacteria o bakteryang staphylococcus aureus. Ito ay pumapasok sa katawan sa pamamagitan ng balat – kapag ito ay bukas (may hiwa o sugat) at maaaring dumaan sa buhok pababa sa follicle. Dito na magsisimula ang impeksyon.
May ibang pigsa na may kinalaman sa acne (malalang uri ng tigyawat), nagsisimula kapag ang pores ay barado at nagkakaroon na ng impeksyon.
Ang pagkakaroon ng pigsa ay hindi laging sensyales ng pagkakaroon ng poor hygiene. May pigsa rin na nagsisimula kung mayroong impacted o ingrown hair. Ito ay nangyayari kapag ang buhok ay hindi makalabas mula sa loob ng balat o kung ang buhok ay tumubo pabalik sa loob ng balat.
MGA SINTOMAS NG PAGKAKAROON NG PIGSA
– Ang balat na nasa paligid ng pigsa ay nagiging infected. Nagsisimulang mamula ito, tumigas, uminit, sumakit at mamaga
– Maaaring magkaroon ng lagnat
– Maaaring magkaroon ng kulani at maaaring lumaki ito
NAKAHAHAWA BA ANG PIGSA?
Kung tutuusin ay hindi, pero ang bacteria na nagiging sanhi ng pigsa ay maaaring kumalat sa pamamagitan ng skin-to-skin contact at mula sa mga kontaminadong bagay. Wala namang problema kung tutuusin pero kung ang bacteria ay nakapasok na sa balat, naroon na ang peligro para rito.
SINO ANG MAAARING MAGKAPIGSA?
Lahat ay maaaring magkaroon ng pigsa kahit pa ang sanggol. Mas peligroso lamang kung:
– Mas malapit sa taong infected nito
– Mahina ang resistensya
– Hindi malinis sa katawan (poor hygiene)
– Ibang kasama sa bahay na carrier ng staphylococcal germs
– Mayroong acne, eczema at iba pang skin breakouts
– Kung may diabetes
– Kung may HIV o human immunodeficiency viruses
– Kulang sa nutrisyon
– Exposed sa harsh chemical para makairita ng balat
PAANO MAIIWASAN ANG PAGKAKAROON NG PIGSA?
– Maging malinis sa katawan
– Iwasang humiram ng personal na gamit ng iba tulad ng towel, bedding, mga damit, pang-ahit, sports gears at iba pa. Iwasan ito lalo na kung mayroon nang pigsa
– Kumain ng masusustansyang pagkain para may proteksyon ang katawan laban sa sakit
KAILAN DAPAT SUMANGGUNI SA DOKTOR?
– Kapag ang pigsa ay tumagal na ng dalawang linggo
– Kapag sobrang sakit o hindi na kaya ang sakit na dulot ng pigsa
– Kapag tinubuan pa ng panibagong pigsa
– Kapag namaga o lumaki ang kulani
– Kapag tumaas pa ang lagnat
– Kapag mas lumaki ang sukat ng pigsa
– Kapag mayroong recurrent furunculosis
– Kapag ang pigsa ay tumubo sa mukha o sa gulugod
Delikado ang pigsa kapag ito ay nasa mukha dahil malapit ito sa mata at utak. Ang carbuncle ay maaaring pumasok sa bloodstream at maaaring makaapekto sa puso at iba pang internal organs.
Ang doktor ang susuri sa pigsa, magdi-drain sa nanang nasa loob nito at maaaring resetahan ang pasyente ng antibiotics lalo na kung malala na ang pigsa.
REMEDYO SA PIGSA
Ang simpleng pigsa ay maaaring mawala nang kusa o magamot sa bahay.
Makatutulong ang hot o warm compress gaya ng pagkuha ng malinis na towel na may katamtamang laki. Ibabad ang towel na ito sa maligamgam o mainit (kung kaya ang temperatura) na tubig, pigain at agad na idampi-dampi sa pigsa.
Ang hot o warm compress na ito ay makatutulong upang ang pigsa ay “mapahinog” at natural na magbukas ito o matanggal ang fluid/nana mula sa loob. Makatutulong din ang hot o warm compress upang mabawasan ang sakit na nararamdaman.
Kapag nakalabas na ang nana ngunit naroon pa rin ang sakit at halos hindi nabawasan ang sukat nito, ang pigsa ay hindi pa fully developed.
Ipinapayo na huwag piliting paputukin ang pigsa dahil maaaring kumalat ang impeksyon, tanging doktor lamang ang makagagawa nito.
Kapag ang pigsa ay kusang pumutok, agad na linisan ito. Natural na makikita ang paglabas ng nana at kaunting dugo. Iwasang gumamit ng hydrogen peroxide sa paglilinis dahil nagpapasariwa lamang ito ng sugat. Ang hydrogen peroxide ay maaaring makasira ng healthy cells kung kaya’t apektado ang paraan ng paggaling ng sugat.
Sa halip na hydrogen peroxide ang gamitin, gumamit ng povidone-iodine (kilala rin sa tawag na iodopovidone). Ito ay mabisang antiseptic para ma-disinfect ang sugat.
Matapos na malinisan ang sugat, agad itong takpan gamit ang gasa (gauze pad) at medical tape. Maaari ring gumamit ng medical strip. Kailangang covered ang sugat upang maiwasang maipeksyon pa ito.
Bago at pagkatapos ng paglilinis, siguraduhing malinis ang mga kamay upang maiwasan ang kontaminasyon.
Agad na itapon ang mga bulak, wound dressing at iba pang bagay na ginamit sa sugat. Ang towel na ginamit ay agad na labhan at banlawang maigi.
Gawing regular ang paglilinis ng sugat upang agad itong gumaling. Ang pagpapalit ng bandage ay maaaring tuwing apat hanggang anim na oras.

