BAKUNANG PANG-ELEKSYON?

MUKHANG papabor sa mga incumbent elected officials ang pandemya sa covid-19 sa kanilang re-eleksyon at mas lalong pabor naman sa mga kandidato ng administrasyon para masiguro ang kanilan panalo sa susunod na eleksyon.

Maraming ­mayayamang siyudad at provincial ­government ang bibili ng kani-kanilang covid-19 para sa kanilang mga constituents dahil hindi naman daw kaya ng gobyerno na matuturukan ang lahat ng mamamayang Filipino.

Parang nakikita ko na, na kapag dumating na ang bakuna at iroroll-out na ang mass vaccination, mayroong mga tarpaulin na nakalagay ang malaking larawan nina Mayor, Vice Mayor at mga Councilors sa bawat vaccination center.

Kahit hindi nila susulatan ng “Vote For..” ang mga tarpaulin ay makukuha na ng mga tao ang mensahe at hindi nila makakalimutan ang ginawa sa kanila ng kanilang mga local officials.

Likas sa mga Filipino ang pagtanaw ng utang na loob kaya iboboto at iboboto nila ang isang pulitiko na nakatulong sa kanila at sa kanilang pamilya kahit gaano kapalpak sa pamamahala ang mga ito.

Kung yung pagbibigay ng local official ng pera para sa pagpapagamot sa may sakit na kabilang sa pamilya ng isang constituent ay tinatanaw na napakalaking utang na loob, paano na lamang sa bakuna laban sa covid-19 na magpapalaya sa kanila sa pandemya at makabalik na sila sa normal na buhay?

Kaya yung mga nagbabalak na tumakbo para kalabanin ang mga incumbent officials, huwag na kayong mag-aksaya ng pera at panahon dahil malaki ang tulog nyo sa kanila maliban lamang kung kayo mismo ay bibili ng sariling bakuna gamit ang sariling pera para sa mga tao na hindi mababakunahan nina Mayor.

Lalo kayong walang pag-asang manalo kung dikit na sa 2022 eleksyon ­iaaarangkada ang mass vaccination dahil mas lalong mamahalin ng mga tao ang mga incumbent officials.

Kahit yung mga Local Government Unit (LGUs) na hindi bibili ng sariling bakuna ay makikinabang din sa bakunang bibilhin ng national government dahil dadaan at daanan sa kanila ang pagpapabakuna sa 70 sa kanilang mga constituent.

Tiyak na magtatayo ng vaccination centers ang mga LGUs sa munisipyo at kapitolyo at tiyak na makakakita ka pa rin ng mga tarpaulin nila para hikayatin ang mga tao na magpabakuna.

Siyempre ang iisipin ng mga constituent ng mga ito na dahil sa effort ni Mayor ay magkakaroon na sila ng immunity sa covid-19 at hindi na sila kakaba-kaba sa kanilang kalusugan.

Pero ang mas makikinabang sa bakuna ay yung itutulak na kandidato ng administrasyon sa susunod na eleksyon lalo na sa national level kaya huwag na kayong magtaka na pupunta sila sa mga vaccination centers para magparamdam sa inyo kahit pang-eepal lang ang gagawin talaga nila.

Ano ang punto ko? Dapat hindi haluan ng pulitika ang pagpapabakuna. Ipagbawal ang mga tarpaulin at agahan ang mass vaccination. Kailangang tuparin ng ­gobyerno ang kanilang plano na magkaroon ng herd immunity bago matapos ang taon.

Huwag na ito paabutin sa 2022 dahil kung hindi ay talagang maghahaluan yan ng pulitika lalo na’t alam natin lahat na ang mga pulitiko, kapag may tsansang umepal, eepal yan.

112

Related posts

Leave a Comment