MALABO nang bumalik bilang Gilas Pilipinas head coach si Tab Baldwin.
Sinabi ni Samanahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) president Al Panlilio, naniniwala siyang mas pipiliin ni Baldwin ang manatili bilang mentor ng Ateneo de Manila University basketball team.
“I think siguro Ateneo siya magko-coach. Basically, he will not coach the national team,” wika ng SBP prexy.
Ngunit patuloy pa rin umanong tutulong ang Blue Eagles coach sa national team bilang Gilas program director.
Katunayan, inaasahan ni Panlilio na magrerekomenda ito ng mga pangalan na maaaring pagkunan ng future Gilas head coach.
“I’m sure he (Baldwin) has names of coaches that he can also recommend. So he’s helping us craft the program.”
Sa ngayon ay patuloy na nakatatanggap ang SBP ng mga aplikasyon mula sa mga local at banyagang coaches na interesadong maging susunod na head coach ng Gilas.
Ito’y kahit pagkatapos pa ng unang window ng 2021 FIBA Asia Cup qualifiers sa Pebrero sisimulan ng SBP ang paghahanap ng bagong coach ng national team.
Matatandaan na naging pansamantalang head coach ng Philippine Men’s Team si Barangay Ginebra coach Tim Cone sa 30th Southeast Asian Games kung saan matagumpay na nadepensahan ng bansa ang korona.
Ito’y makaraang magbitiw si NLEX coach Yeng Guiao matapos mangulelat ang Gilas noong 2019 FIBA Basketball World Cup. (Dennis Inigo)
