NAKATANGGAP ako ng liham sa pamamagitan ng aking email mula sa isang OFW Volunteer Advocate na si Mokingjoy.
Siya ay humihingi ng tulong upang maiparating ang masamang kapalaran ni OFW Emma Elecanal na sa kasalukuyan ay nasa bansang Kuwait.
Si OFW Emma ay isang Balik Manggagawa matapos ang dalawang taon niyang kontrata. Ngunit noong siya ay muling bumalik sa kanyang employer matapos ang kanyang bakasyon, siya ay ipinasa na lamang nito sa isa kapatid ng kaniyang amo at doon siya pansamantalang pinagtrabaho.
Ngunit makalipas ang ilang buwan na pagtatrabaho, siya ay ipinasang muli sa iba na namang employer kapalit ng pera na ibinayad sa kanya ng una niyang amo.
Ang kakaiba sa problema ni OFW Emma, ay siya pa ang sinisingil ng kanyang unang employer bago siya mailipat sa ikatlo nitong employer.
Pero katuwiran ni OFW Emma ay hindi siya dapat pagbayarin ng kanyang employer sa kanyang paglipat sa ikatlong employer dahil siya naman ay nakatapos ng kanyang unang pinirmahan na kontrata sa una niyang employer at katunayan ay nakauwi na nga sa Pilipinas para magbakasyon.
Isinusumbong din ni OFW Emma na ang katotohanan ay ang una niyang employer ay hindi pa rin nagbabayad ng kakulangan sa kanyang dapat ay tinatanggap na sweldo.
Dumagdag pa sa suliranin ni OFW Emma ang mistulang pang-aabuso ng kanyang ikatlong employer dahil sa halos walang katapusan na pag-uutos nito kahit na sa oras ng kanyang pagtulog at pagpapahinga.
Dahil sa sobrang pagod sa trabaho at kakulangan ng sapat na pagkain at tulog ay tila raw nakakaapekto na ito sa kanyang kalusugan at katunayan kamakailan ay isinugod na siya sa ospital dahil sa aksidenteng pagkakahiwa ng kanyang lalaking employer sa kanyang kamay.
Nakikiusap si OFW Emma kay Welfare Officer Llewelyn Perez na siya ay masaklolohan at matulungan na makauwi na sa Pilipinas.
Ang problemang ito ni OFW Emma ay aking naiparating na kay Welfare Officer Llewelyn Perez upang matulungan sa lalong madaling panahon. Dahil siya ay balik-manggagawa na ay hindi na maoobliga ang kanyang ahensya na siya ay gastusan para mapauwi dahil noong natapos nito ang kanyang kontrata at nakauwi na sa Pilipinas ay naputol na rin ang obligasyon ng Safe Future Agency.
Maging aral sana ang istoryang ito ni OFW Emma na kilatisin ninyong mabuti ang inyong mga employer bago kayo magdesisyon kung kayo ay babalik pa sa kanilang tahanan. Maraming beses na nakakatanggap kami ng ganito ring reklamo na matapos na sila ay magbaksyon sa Pilipinas ay diumano nagbabago na ang ugali ng kanilang employer.
Katunayan ang isa sa OFW na namatay sa Kuwait ay isa ring Balik-Manggagawa ngunit sa kanyang pagbalik sa Kuwait matapos ang bakasyon ay saka ito minaltrato.
Malimit kasi ang mga employer ay agad na kumukuha ng kapalit na kasambahay sa oras na ang kanilang kasambahay ay nagbabakasyon at kapag ang kasambahay ay bumalik na ay hindi na nila kayang magbayad ng karagdagang kasambahay kung kaya ito ay ipinagbibili na nila sa ibang employer upang kanilang mabawi ang kanilang ginastos sa pagkuha sa bagong kasambahay.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
