WALANG masama sa paalala ng ibayong pag-iingat sa gitna ng panibagong banta ng mutated virus strain, bagay na ginawa naman ng punong tagapagpaganap ng pamahalaan.
Ang masama ay ang kalakip na rekomendasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pwersahang pagpapatupad ng muling paggamit ng face shields na tila pahiwatig nang muling pamamayagpag ng mga tiwali at kasapakat na sindikato sa likod ng kartel na nagsusuplay ng medical logistics sa pamahalaan.
Ayon sa Pangulo, dagdag proteksyon ang paggamit ng face shields sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19. Malaki rin aniya ang naging kontribusyon ng paggamit ng face shields para makaiwas sa hawaan ng nakamamatay na karamdaman.
Ang malinaw, hindi isang alagad ng agham o medisina man lang ang Pangulo (na kanya namang inamin) kaya naman mukhang sablay na sa kanya pa manggaling ang rekomendasyon.
At dahil Pangulo si Duterte, malamang sundin ito ng mga ahensyang saklaw ng kanyang kapangyarihan. Sa madaling salita, isang direktiba para sa mga itinalaga sa pwesto ang bawat salitang bibigkasin ng taong naglagay sa kanila sa posisyon.
Pero sino nga ba talaga ang makikinabang sa pagbabalik ng mahigpit na pagpapatupad sa paggamit ng face shields? Ang mga tao ba o ang mga dorobong taong gobyernong kasapakat ng mga Tsino sa likod ng kartel?
Hindi ba’t mas mainam kung ang pagtutuunan ng pamahalaan ay ang tiyakin ang proteksyon ng bawat mamamayan sa pagbabakuna kontra COVID-19, bukod pa sa pagtitiyak na nasusunod ang minimum public health safety protocols na binalangkas ng gobyerno.
Kung sa bagay, sadyang mahigpit ang pangangailangan ng administrasyong muling mangangailangan ng malaking halaga lalo pa’t nalalapit na naman ang magastos na proseso ng halalan.
Kung sinsero ang Pangulo sa kanyang rekomendasyon, higit na marapat na lakipan ito ng mga probisyong magbibigay daan sa face-shields na gawang Pinoy at ipamahagi nang libre sa bawat Pilipino.
Ang tiyak, hilahod na ang mga Pilipino at hindi angkop na dagdagan pa ang bigat na dala sa gitna ng mga kamalasang naganap sa ilalim ng kanyang administrasyon.
