SUGALAN SA VIKING PERYA, MENOR DE EDAD ANG PARUKYANO?

TILA walang pakialam ang may-ari ng peryahan ng Viking na matatagpuan sa tabi ng Caloocan City Complex sa Brgy. 171 Bagumbong, sa mga menor de edad na nagsusugal sa kanila ng tinatawag na “color game”.

Sinasamantala ng may-ari nito ang kasabikan ng mga bata na matagal na hindi nakalabas sa loob ng dalawang taon dahil sa COVID-19 pandemic.

Ngayon dahil muli na namang nagluwag ang gobyerno sa kanilang ipinatutupad na quarantine protocols matapos humupa na nang paunti-unti ang mga nahahawaan ng veerus, ay muli namang namamayagpag ang mga sugal sa mga peryahan lalo na sa Viking.

Wala ring pakialam ang mga pulis at mga tanod ng Brgy. 171 Bagumbong na nagbabantay sa nabanggit na peryahan, sa mga batang nagsusugal sa “color game”.

Mistulang private security guards na ang kanilang nagiging papel sa peryahan na ito dahil wala silang pakialam kung menor de edad man ang naglalaro.

Marahil ang nasa isip nila basta ang importante ay marami ang naglalaro ng “color game” at masaya sila.

Ang gagaling ninyo! Alam ba ‘yan ng mga bossing ninyo na sina PNP chief, Gen. Dionardo Carlos at Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Martin Diño, ang mga pinaggagawa n’yo?

Gabi-gabi dinadagsa ng parukyako ang peryahan ng Viking dahil parang nawala sa kural ang mga bata mula sa matagal na panahon na hindi sila nakalabas ng kani-kanilang mga bahay.

Kaya naman tuwang-tuwang siyempre ang may-ari ng Viking perya dahil dagsa ang kanilang kustomer.

Ang problema lang hindi nila sinasala ang mga tumataya sa kanilang “color game”.

Alam naman ng mga pulis at barangay tanod na sugal ang “color game”, bakit hindi nila pinagbabawalang tumaya ang mga menor de edad?

Ang may-ari ba ng Viking ang nagpapasuweldo sa inyo o ang publiko?

Ang swerte naman ng may-ari ng Viking, bigla siyang nagkaroon ng mga bantay na pawang mga unipormado.

Magkano po ba ang sweldo nila, bakit ganun na lang ka-loyal ang mga pulis at mga tanod sa inyo?

Pinayagan na nga na makapagbukas ang mga peryahan, pero ito naman sila ay inaabuso na naman nila ang ibinigay sa kanilang pagkakataon ng gobyerno.

Kailangan n’yo isaalang-alang ang kapakanan ng publiko, lalo ang mga menor de edad, hindi lang po ang inyong kikitain sa peryahan.

Alam n’yo naman na sugal ang “color game” at alam n’yo rin na bawal ‘yan sa peryahan.

Kung ayaw n’yong ipatigil ang operasyon n’yo ay sumunod kayo sa batas.

Maraming reklamo ang nakarating sa PUNA mula sa mga magulang ng mga menor de edad sa Brgy. 171 Bagumbong na ang kanilang mga anak ay nalululong sa “color game” sa loob ng peryahan ng Viking.

Sa dami raw ng mga pulis at barangay tanod sa peryahan ay hindi raw pinagbabawalan ang mga bata na nagsusugal sa “color game”. Tsk! Tsk! Tsk!

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa ­joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

339

Related posts

Leave a Comment