16 NAOSPITAL SA AMMONIA LEAK SA ICE PLANT

IPINASARA na ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang isang ice plant na sa ikatlong pagkakataon sa loob ng dalawang taon ay muli na namang nagkaroon ng ammonia leak nitong Martes ng madaling araw na naging dahilan ng pagkaospital ng 16 katao.

Nakatanggap din ng ulat ang Navotas City Police Tactical Operation Center (TOC) hinggil sa pagkamatay ni Edwin Dela Vina, 49, ng Ilang-Ilang Street, Brgy. NBBS-Kaunlaran, na nahirapang huminga dahil sa mabahong amoy bunsod ng pagtagas ng ammonia dakong alas-2:50 ng madaling araw sa Magsimpan Ice Plant sa M. Naval St., Brgy. NBBS Kaunlaran, Navotas City.

Gayunpaman, sinabi ng nakababatang kapatid ng biktima na si Ralph, 43, sa pulisya na si Edwin, dinala sa Navotas City Hospital, ay dumaranas ng chronic heart enlargement. Ayon sa attending physician, ang ikinamatay ng biktima ay acute coronary syndrome.

Sa ulat na nakarating sa opisina ni Navotas Police chief, P/Col. Dexter Ollaging, habang ang mga empleyado ng ice plant ay nagtatrabaho sa kani-kanilang lugar nang napansin nila ang isang malakas na amoy ng ammonia na naging dahilan upang agad silang umalis sa company premises at humingi ng tulong sa nagpapatrolyang mga pulis.

Umabot ang amoy ng ammonia sa Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) Kaunlaran at NBBS Proper na naging dahilan upang agad maglabasan ang mga residente sa kanilang bahay habang tinatakpan ang kanilang mga bibig at ilong upang lumikas.

Mabilis namang nagresponde ang pulisya at mga tauhan ng Navotas Bureau of Fire Protection (BFP), sa pangunguna ni F/Insp. Pedrito Polo, at tatlong BFP fire trucks sa naturang lugar para magsagawa ng imbestigasyon at upang mapigil ang pagtagas ng ammonia.

Sa ulat ng DRRMO, napigilan ang pagtagas ng ammonia bandang alas-4:00 ng madaling habang umabot sa 16 katao na nakatira malapit sa lugar ang isinugod sa Navotas City Hospital dahil sa hirap sa paghinga.  (ALAIN AJERO/FRANCIS SORIANO)

125

Related posts

Leave a Comment