LIMANG mga kasapi umano ng isang organized crime syndicate na kumikilos sa apat na rehiyon sa Luzon, ang napatay matapos maka-engkwentro ang mga pulis sa Tabuk City, Kalinga, ayon sa ulat na nakarating sa punong himpilan ng PNP sa Quezon City.
Sa report ni Police Major Garry Gayamos ng Kalinga Police Provincial Office, sangkot ang mga napaslang sa carnapping at robbery holdup operation.
Dead on the spot ang dalawang suspek habang ang tatlong kasamahan nila ay sinubukang pang mailigtas kaya’t itinakbo sa pagamutan subalit nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas.
Bukod sa narekober na apat na caliber .45 na baril, isang 9mm pistol, at isang granada mula sa mga suspek, nakakuha rin ang mga awtoridad ng 23 bricks ng dried marijuana na may kabuuang halagang P2.7 million.
Sinasabing may pagkakakilanlan na ang tatlo sa mga suspek dahil sa mga ID na nakuha sa kanila at lumilitaw na pawang mga taga-Pampanga ang mga ito pero ayon kay Maj. Gayamos, kailangan maberipika kung ito ang tunay nilang mga pangalan at address.
Ipinag-utos ni Col. Peter Tagtag, Jr., provincial director ng Kalinga Provincial Police Office, na i-validate sa PNP Region 3 ang nakuhang identification cards sa crime scene gaya ng isang suspek na nakuhanan ng professional driver’s license at Anti-Organized Crime and Corruption Intelligence Group ID na may pangalang Ian Salutin Zulueta at identification card na may picture mula Barangay Tangle, Mexico, Pampanga.
Isa sa mga suspek ang nakuhanan ng Anti-Organized Crime and Corruption Intelligence Group identification card na may pangalang Jose S. Libreja.
“We are still in contact with the police in Region 3 to ascertain the identity of the suspects and find out their cases,” ani Tagtag.
Sinasabing ang mga suspek ay miyembro ng notorious crime group na sangkot din sa ilegal na droga, carnapping at robbery hold-up na ang operasyon ay sa Region 2, 3, at 4.
Bago ang sagupaan, may impormasyon na natanggap ang mga pulis na galing umano ng Tinglayan sa nasabi ring lalawigan ang grupo at nasa lugar para kumuha ng mga ilegal na droga.
Kaya’t agad silang naglatag ng checkpoint matapos na ma-monitor ang lokasyon ng grupo at target ang isang gray/black na kotse na may plakang NUS-11.
Habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis sa national highway na sakop ng Barangay Bulo sa nasabi ring lungsod ay may isang kotse na biglang humarurot, iniwasan ang checkpoint, at pinaputukan umano ang mga pulis.
“Imbes na mag-stop sila para ma-check sila, ang ginawa nila ay pinatakbo nila ang kanilang sasakyan nang mabilis para iwasan itong checkpoint at pinaputukan ang mga pulis,” sabi ni Gayamos.
Hinabol ito ng mga pulis at sa pag-iwas ng grupo sa mga awtoridad ay dumiretso sa kanal ang kanilang sinasakyang kotse sa Barangay Malalao sa nasabi ring lungsod at dito na nakorner ng mga pulis ang mga suspek.
Lumabas ang mga suspek mula sa sasakyan at pinaputukan ang mga pulis. Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng limang suspek. (JESSE KABEL)
106