ANIM na kasapi ng communist New People’s Army ang napatay ng makasagupa nila ang mga tauhan ng 19th Infantry “Commando” Battalion, 8th Infantry “Stormtroopers” Division, ng Philippine Army sa liblib na bahagi ng Barangay Paco, Las Navas, Northern Samar noong Lunes.
Bukod sa anim na napaslang ay nabawi rin ng militar ang apat na high powered firearms sa isinagawang clearing operation sa lugar na pinangyarihan ng engkwentro matapos ang inilunsad na Joint Focused Military Operations.
Ayon sa ulat na ipinarating ni JTF Storm and 8th Infantry Division Maj. Gen. Adonis Ariel Orio sa tanggapan ni Army Commanding General Lt. Gen. Roy Galido, bago ang isinagawang tactical operation ay nakatanggap sila ang intelligence information mula sa mga local resident hinggil sa presensya ng armadong kalalakihan sa nasabing barangay.
Nabatid na ang nakasagupa ng mga sundalo ay nalalabing mga kasapi ng Sub-Regional Committee (SRC) Emporium, Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC) na pinamumunuan ng isang Ariel Baselga alias “Poly/Aries”, isang notorious Communist NPA Terrorist (CNT) na responsable sa mga karahasan sa area ng Northern Samar.
Nabatid na natunton ng mga sundalo ang pinagkukutaan ng CPP-NPA subalit nadiskubre na heavily fortified ito at natataniman ng anti-personnel mines (APMs) kaya napilitan ang tropa ng pamahalaan na tumawag ng artillery support para mapalambot ang target bago isagawa ang ground assault.
“Under the International Humanitarian Law (IHL), these anti-personnel mines are prohibited,” ayon sa militar.
Kasunod ng land attack ay na-recover ang anim na bangkay, dalawang M16 rifles, dalawang pistols, tatlong granada at assorted personal belongings.
Dahil dito, nanawagan si Las Navas Mayor Arlito Tan sa nalalabing CNTs, “Sa mga kapatid natin na patuloy na lumalaban sa gobyerno, ako ay nakikiusap na kayo po ay mag-surrender at tumulong sa mga inisyatibo ng ating gobyerno, at sa mga naliligaw ng landas na mga kapatid, sa mga sugatan, kayo po ay mag-surrender na. Ang gobyerno lokal, probinsya, at national ay naririto po, handang tumulong sa inyong pagbabagong-buhay at upang maipagpatuloy ang progreso ng ating bayan para sa inyong pamilya at sa buong bayan.”
Pinasalamatan naman ni 8ID chief, Maj.Gen. Adonis Ariel Orio ang tulong ng mga residente para masugpo ang CPP-NPA sa kanilang nasasakupan.
“This operation is an initial step toward developing a peaceful and threat-free local election. As we all know, some political candidates have been threatened by the CTG, which has been demanding permits to campaign. That is why we encourage our political candidates not to give in to the demands of the CTGs and not to be afraid. We will support you, and together we will ensure a peaceful, fair, and honest election,” dagdag pa Maj. Gen. Orio. (JESSE KABEL RUIZ)
13