Awtoridad inalerto ng BAN toxics MEGA SALE 7.7 TALAMAK SA ILLEGAL PRODUCTS?

INALERTO ng isang grupong lumalaban para protektahan ang kalikasan at mamamayan, ang mga awtoridad hinggil sa patuloy na bentahan ng e-commerce sites sa Pilipinas ng ilegal na mga produktong may mercury o asoge na mga pampaputi ng balat.

Nagsagawa ang grupong BAN toxics ng online monitoring para sa 7.7 Mega Sale ng mga online shopping platform kung saan natuklasan ng kanilang BT Patroller na si Mary Kate San Juan ang 26 produkto ng mercury-containing sphygmomanometer, 6 na mercury thermometer, at 16 mercury dental amalgam mula sa Shopee, habang ang Lazada ay mayroong 21 na produktong ng mercury-containing sphygmomanometer, 50 mercury thermometer, at 18 mercury dental amalgam.

Ikinabahala rin ng grupo ang patuloy na pagbebenta ng mga ipinagbabawal na skin lightening creams na may taglay na mercury, sa parehong online shopping sites sa kabila ng mga public health advisory na inilabas ng FDA ukol sa produktong ito.

Ayon sa World Health Organization Fact Sheets on Mercury and Health, ang mercury ay itinuturing na isa sa nangungunang kemikal na dapat ikabahala at iwasan ng publiko. Ang pagkakalantad sa mercury, kahit kaunti, ay maaaring magdulot ng malubhang problema sa kalusugan. Ito rin ay maaaring maging banta sa pagkabuo ng bata sa uterus at maagang yugto ng buhay.

Ang mercury ay maaari ring magkaroon ng masamang epekto sa nervous, digestive at immune systems, at sa baga, bato, balat, at mata.

Noong Hunyo 10, 2022, ipinasa ng Department of Health – Food and Drug Administration (DOH-FDA) ang FDA Circular No. 2022-003 na nagbabawal sa lahat ng mga mercury-added thermometer, sphygmomanometer, dental amalgam capsule, at liquid mercury na gamitin sa dental restorative purpose. (CYRILL QUILO)

53

Related posts

Leave a Comment