BUDGET KINAPOS SA ‘REVENGE TRAVEL’ NI MARCOS

DAHIL mahilig bumiyahe, kinapos ang pondong inaprubahan ng Kongreso para sa travel expenses ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., noong nakaraang taon.

Ito ang natuklasan sa budget deliberation ng Office of the President (OP) para sa susunod na taon matapos uriratin ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang ginastos ng Pangulo sa biyahe nito sa iba’t ibang bansa noong 2022.

Sa pagtatanong ni Manuel, inamin ni House deputy majority leader Erwin Tulfo na naglaan ang Kongreso ng P314,372,000 para sa travel expenses ni Marcos sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA).

Gayunpaman, gumastos si Marcos ng P398,307,000 million sa kanyang mga biyahe sa loob at labas ng bansa noong 2022 o sobra ng mahigit P84 million sa inilaang pondo na P314,372,000 lamang kaya humugot umano ng karagdagang pondo ang Pangulo sa tinatawag na continuous appropriation.

Ngayong taon ay P670,644,000 ang inilaan para sa travel expenses ng Pangulo subalit P480,535,000 na lamang umano ang natitira dito.

Mistulang mas maraming biyahe ang gagawin ng Pangulo sa 2024 dahil humingi ito ng halos P1.5 billion travel expenses na halos doble sa ginastos nito sa kanyang mga biyahe mula 2022 at 2023.

“Magiging doble ba ang bilang ng trips o doble ang bilang ng mga sasama? Mr. Speaker balak ba ng Pangulo na pumunta sa Formula 1 sa Singapore sa 2024?,” tanong ni Manuel na sinagot ni Tulfo na mahalaga ang biyahe ng Pangulo para humikayat ng investors.

Subalit ayon kay Manuel, imbes na tumaas ang foreign direct investment (FDI) sa biyahe ni Marcos ay bumagsak pa ito sa $4 Billion sa unang anim na buwan ng 2023 kumpara sa $4.91 billion sa kaparehong panahon noong 2022 nang hindi pa si Marcos ang Pangulo.

Nakapagtala rin umano ang bansa ng $10.5 FDIs noong 2021 o $5.25 Billion sa first half ng nabanggit na taon kaya mas malaki pa aniya ito kumpara sa mga nakuhang investment ni Marcos sa kanyang mga biyahe gayung noong panahon na yun ay walang byahe dahil sa pandemya.

“This implies na hindi naman pag-attract ng FDIs ang pangunahing dahilan bakit biyahe nang byahe ang Malacañang. Nababaon sa utang ang mga Filipino sa dagdag na gastos kaya the Filipino people should not pay the travel of officials Mr. Speaker,” ani Manuel.

(BERNARD TAGUINOD)

127

Related posts

Leave a Comment