(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MALAKI ang panghihinayang ng nagbitiw na si Office for Transportation Security (OTS) Administrator Usec. Ma.O Aplasca dahil malapit na umano nilang masupil ang korupsyon sa airport kung hindi lang siya ‘pinag-initan’ ni House Speaker Martin Romualdez.
Palaisipan umano kay Aplasca ang hirit ni Romualdez na magbitiw siya sa pwesto kasunod ng mga insidente ng nakawan at anomalya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Mistulang napulitika umano ang usapin ng nakawan sa airport kaya ang napagbalingan ay si Aplasca.
Sa magkakasunod na radio/TV interview kahapon, sinabi ni Aplasca na hindi niya maintindihan kung bakit nabaling sa kanya ang usapin.
“Ako nalulungkot lalong-lalo na ang aking mga tauhan na matitino diyan sa Office for Transportation Security dahil alam ko malapit na naming ma-solve itong issue ng pagnanakaw sa airport. Na-identify na namin halos lahat,” pahayag ni Aplasca sa Radyo 360.
“Hindi ko lang maintindihan na bakit naman sakin napo-focus? Kami nga ang nagso-solve ng problema. ‘Yun din [ang] tanong ko sa sarili ko na hanggang ngayon nahihirapan akong sagutin,” pahayag niya.
Tila nagpatutsada rin ang opisyal kay Romualdez dahil sa paggiit nito ng command responsibility sa kontrobersya sa paliparan.
“Kung pag-uusapan natin ang command responsibility, I think I know better than Martin Romualdez kung ano ibig sabihin ng command responsibility bilang isang retired military official,” ani Aplasca.
Kasunod nito, hinamon ng opisyal ang pinuno ng Kamara na maging makatotohanan sa kanyang binibitiwang salita at huwag puro pangako.
“I hope he will be more active in solving the issues in the airport, sana hindi lang puro pangako dahil nangako siya ng additional equipment, dagdag na sweldo sa personnel, sana tuparin niya rin ‘yung kanyang pangako para makumpleto ‘yung programa diyan sa OTS,” ani Aplasca.
Nitong Martes, Setyembre 26, nagbitiw sa kanyang posisyon si Aplasca bilang tugon sa panawagan si Romualdez nitong Lunes bago talakayin ng House of Representatives ang proposed budget ng OTS.
Nakasaad sa resignation letter ni Aplasca na ang kanyang pagbibitiw ay kaugnay ng pahayag ni Romualdez na kung hindi ito magbibitiw ay haharangin ng mambabatas ang budget ng ahensya.
Dagdag pa ni Aplasca na isang karangalan na magbitiw na lang sa pwesto kaysa maisakripisyo ang organisasyon.
Muling iginiit ng opisyal na wala itong kinalaman sa nangyayaring katiwalian sa paliparan at siya pa umano ang lumalaban sa mga nagaganap na kurapsyon.
Suspendido na ang mga kawani ng OTS na nasangkot sa nakawan.
Una na rito ang kawaning inakusahan ng pagnanakaw at paglunok ng $300 na kinuha mula sa isang pasahero sa NAIA Terminal 1 noong Setyembre 8 habang noong Pebrero 22 ay naaktuhan ang screening personnel na nagnakaw ng pera mula sa Thai passenger.
224