BUS SUMALPOK SA POSTE; 2 PATAY, 11 SUGATAN

BATAAN – Patay ang dalawang pasahero habang 11 ang sugatan matapos na ang sinasakyan nilang pampasaherong bus ay sumalpok sa poste ng kuryente sa national highway sa Barangay Dona, sa bayan ng Orani sa lalawigang ito, noong Martes ng madaling araw.

Kinilala ng Orani Police ang isa sa dalawang namatay na si Eva Oril, 74-anyos, taga bayan ng Orani. Hindi pa nakikilala ang ikalawang biktima na isang batang lalaki.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-2:30 ng madaling araw, tinatahak ng Genesis Transport bus ang Roman highway nang mawalan ng kontrol ang driver at gumewang ang sasakyan.

Tumagilid muna ito bago bumangga sa konkretong poste ng kuryente na nasa gilid ng highway.

Madulas na lansangan dahil sa pag-ulan ang sinasabing dahilan ng aksidente.

Ikinustodiya naman ng Orani Police ang driver ng bus na si Jeffrey Santos na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at multiple physical injuries. (NILOU DEL CARMEN)

41

Related posts

Leave a Comment