CAVITE – Arestado ang tatlong Chinese national na responsable sa umano’y pagdukot sa isang babaeng data analyst na kanilang kababayan, sa Bacoor City noong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga arestado na sina Huang Jun, 31; Huang Chen Bo, 24; at Chang Yu Pen, 22, pawang Chinese nationals, at mga residente ng Maryhomes Subdivision, Brgy. Molino 4, Bacoor City, umano’y kabilang sa grupong dumukot sa biktimang si Tong Wu, 28, dalaga, single, data analyst at residente ng Neijiang City, Sichuan, China
Ang pag-aresto sa mga suspek ay bunsod ng sumbong na natanggap ng Bacoor City Police mula kina Roy Camrello y Ytac, at Bryan Sahido y Brillo, 37, kapwa driver, hinggil sa umano’y pagdukot sa biktimang Chinese national sa SMDC Shore C2, Pasay City saka dinala sa Brgy. Molino, Bacoor City, Cavite.
Agad nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Bacoor City Police, Cavite Provincial Intelligence Unit (PIU) at Anti-Kidnapping Group at nagtungo sa lugar na nagresulta sa pagkakasagip sa biktima at nadakip ang mga suspek dakong alas-10:30 ng gabi noong Huwebes sa Topaz St., Maryhomes Subdivision, Brgy. Molino 4, Bacoor City.
Nabatid na ang biktima ay dumating sa Pilipinas upang magtrabaho at sasahod umano ng P150,000 na pangako ng mga dumukot na nakilala lamang nito sa pamamagitan ng apps na Telegram.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang Foton van na may plakang LAC 5364; isang kalibre .45 na baril na walang serial number at may limang bala; isang kalibre .40 (Taurus) na may 21 bala; isang granada, isang jungle knife; anim na iPhone, isang Macbook laptop; duct tapes, handcuffs; P78,300 cash, at iba’t ibang cards.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya na ng Anti-Kidnapping Group para sa disposisyon. (SIGFRED ADSUARA)
133