BIBILI NG ALMUSAL, DALAGA PATAY SA JEEP

BATANGAS – Patay ang isang 18-anyos na dalagang estudyante na bibili ng almusal nang masagasaan ng isang pampasaherong jeep sa Maharlika Highway, Brgy. San Juan, Sto. Tomas City noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktimang si Andrea Mae Hernandez, residente ng naturang barangay.

Ayon sa report ng Sto. Tomas Police, nasa gilid ng kalsada ang biktima at bumibili ng pagkain nang bigla na lamang itong salpukin ng rumaragasang jeep dakong alas-6:20 ng umaga.

Dumanas nang grabeng pinsala sa katawan ang biktima na unang isinugod sa isang ospital sa San Pablo City.

Pagkaraan ay ililipat sana ito sa isang ospital sa Batangas City subalit hindi umabot nang buhay.

Ayon sa driver ng nakasagasang jeep na si Jeoffrey Vargas Jr., 46, nawalan siya ng kontrol sa manibela kaya hindi sinasadayang naararo nito ang shoulder kung saan nakatayo ang dalaga.

Inaresto ng mga tauhan ng Sto. Tomas City police ang suspek at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide. (NILOU DEL CARMEN)

25

Related posts

Leave a Comment